Vice Ganda on first year of ABS-CBN shutdown: “Inakala nating tuluyan na talagang tayong tutumba, durog na durog, at maibabaon pero nakatayo at unti-unting umaangat.”
PHOTO/S: It’s Showtime (ABS-CBN)
Muling sinabi ni Vice Ganda sa It’s Showtime na hindi siya galit sa Kapamilya artists na lumilipat sa ibang channel sa panahong walang prangkisa ang ABS-CBN.
Nitong nakaraang linggo, may lumabas na artikulo sa isang gossip blogsite na iniulat ang diumano’y buradong tweet ng TV host-comedian na nagsasabing: “Ang kapal ng mukha ng mga taong nagsasabing nauubos na ang mga Kapamilya Artist. Kung dyan kayo Masaya, bahala kayo basta sinabi ko na dati pa, wala kayong future dyan sa Kabila. Charot!”
Sabi pa ng netizens, sina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz daw ang pinariringgan ni Vice dito.
Subalit una nang kinontra ni Vice ang fake news sa Twitter noong July 6, 2021.
Sa live show ng It’s Showtime kahapon, July 10, 2021, napag-usapan ang unang anibersaryo ng pagbasura ng Kongreso sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon kay Vice, masaya siya at ang kanyang co-hosts na nananatiling nakatinding ang Kapamilya network at maging ang kanilang programa sa kabila ng kawalan ng prangkisa.
Muli rin niyang nilinaw na wala siyang galit sa mga artistang nagdesisyong iwanan ang ABS-CBN at lumipat sa mga kalabang istasyon.
Nakangiting sinabi ni Vice, “Hindi kami galit sa mga lumilipat [hindi] katulad ng pinapalabas niyong balita sa social media.”
Pagtukoy naman sa mga nagpakalat ng fake news na ito, natatawang mensahe ni Vice, “Hoy, 2021 na, ang cheap-cheap ng trabaho niyo! Cheap niyo! Mababa pa kayo sa… ha-ha-ha!
“Basahin niyo na lang tweet ko!”
Tinutukoy ni Vice dito ay ang tweet niya noong July 6 noong sinabi niyang mas mababa pa sa dumi ng tao ang mga nagpapakalat ng fake news sa social media.
Bahagi ng kanyang tweet, “Mga taong sa panahon ngayon chismis, paninirang puri at fake news pa din ang trabaho YUUUUICCCCKKK!!!! Mas mababa pa kayo sa TAE! Yan ang #FACT!”
FROM PAIN TO STRENGTH
Noong July 10, 2020, ibinasura ng 70 kongreso ang bid ng ABS-CBN para sa renewal ng kanilang prangkisa, dahilan upang mawala ang free TV channel ng network at ng radio at regional stations nito.
Libong empleyado rin ang nawalan ng trabaho at maraming artista ang nagdesisyong lumipat ng istasyon.
Maging si Vice ay hindi napigilan ang lungkot noon kaya nag-walkout ito sa kalagitnaan ng opening number ng It’s Showtime noong July 11, 2020, o isang araw matapos ang pagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN.
Pero sa kabila nito, nakahanap ng paraan ang ABS-CBN para ipagpatuloy ang pag-ere ng karamihan sa mga programa nito.
Kabilang na rito ang pag-ere ng It’s Showtime sa A2Z Channel 11 sa free TV.
Kaya naman daw kung ikukumpara ang sakit na naramdaman ni Vice noong isang taon, mas masaya na raw siya ngayon.
Kuwento ni Vice, “Dati, sobra akong nalulungkot talaga, nadudurog ang puso ko. Pero ngayon sumasaya na ako.
“The pain that I felt before is giving me strength right now, it’s giving me a reason to smile because, my God, isang taon na po ang nakakalipas pero nakatindig pa rin tayo, ha.”
CONTINUE READING BELOW ↓
JANINE GUTIERREZ TINANONG KUNG SILA NA NI JERICHO ROSALES | PEP Interviews
Akala raw noon ni Vice, tuluyan na silang malulugmok sa pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN.
Pero narito pa rin daw sila at unti-unting bumabangon.
Patuloy ni Vice, “Inakala nating tuluyan na talagang tayong tutumba, durog na durog, at maibabaon pero nakatayo at unti-unting umaangat.
“Maliliit man pero it matters so much. Yung paglipad natin, yung patuloy nating pagsasama-sama, nakakataba ng puso.
“Ako, kung tutulo man ang luha ko, tutulo na ang luha ko na may kasamang ngiti at saya at punung-puno ng pag-asa. Hindi na kasing-durog noong isang taon.
“One year na ho iyan and we are still here. Not just surviving but thriving for you, madlang pipol.”
Nagpasalamat din si Vice sa Panginoon dahil sa kabila ng mabigat na pinagdadaanan ng lahat ay patuloy ang pag-asa.
“Lahat tayo may pinagdaanan last year, mabigat na mabigat.
“Ngayon, meron pa rin pero tuloy pa rin ang pagbangon, pagsasama-sama at pag-asa. Maraming salamat, Lord.”