Joshua Garcia on qualities he looks for in a girlfriend: “Hindi mawawala diyan yung kung paano siya makitungo sa tao…”

Dapper gentlemen, heartthrobs at the GMA Gala 2023 | PEP.ph

 

Hanggang ngayon ay malaking palaisipan sa mga tagahanga ng Kapamilya actor na si Joshua Garcia kung siya ba ay single o in a relationship.

Ilang female personalities na ang nali-link sa kanya ngunit hanggang ngayon ay wala pa siyang kinukumpirma ni isa.

Sa eksklusibong panayam ni Joshua sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa GMA Gala 2023, noong July 22, natanong siya tungkol sa kanyang buhay pag-ibig.

Kapansin-pansin kasi ang solong pagpunta at paglalakad sa red carpet ni Joshua.

Tanong sa kanya ng PEP.ph, “Mayroon ka bang ka-date tonight?”

“Wala lang sarili ko lang!” natatawang sagot ng Kapamilya hearthrob.

Dapper gentlemen, heartthrobs at the GMA Gala 2023 | PEP.ph

Sundot na tanong ng PEP.ph, “Kailan kaya namin makikita na may ka-date ulit si Joshua?”

Nakangiting sagot ng aktor, “Ahhh, malalaman natin yan. Actually, tinatanong ko nga si Vice, [sabi ko] ‘Nasan ka na, sabay na tayo bumaba.’ [Sabi naman niya] ‘Wait lang rarampa ako.”

Ang “Vice” na tinutukoy ni Joshua ay ang kapwa niya Kapamilya na si Vice Ganda, kasama naman ang kanyang It’s Showtime co-host na sina Anne Curtis, Vhong Navarro, at Jhong Hilario.

Hindi rin nakaligtas si Joshua sa pag-usisa sa qualities na hinahanap niya sa susunod niyang magiging karelasyon.

Ayon sa kanya, ang pagiging mabuti sa kapwa, sa pamilya, at sa Diyos ang ilan sa mga katangian ng babaeng magugustuhan niya,

Ani Joshua, “Qualities, siyempre hindi mawawala diyan yung kung paano siya makitungo sa tao, sa lahat ng nakakasalamuha niya sa labas.

“Kung paano yung pakikitungo niya sa pamilya niya. Siyempre may takot sa Diyos parte na yon kung maayos kang makitungo sa pamilya mo.”

JOSHUA GARCIA’S RUMORED ROMANCE

Ang French-Filipino golfer na si Emilienne Vigier ang kasalukuyang nali-link kay Joshua.

Ito’y matapos mapansin ng mapanuring netizens ang magkapareho nilang Instagram post and Stories noong July 24, 2023.

Sa ibinahaging litrato ni Joshua makikita ang kanyang pagluluto sa isang kitchen kasama ng iba-ibang litrato ng main dishes tulad ng chicken and pork katsu, honey garlic kitchen, at kinamatisang pampano.

Agaw-pansin ang mga ito dahil nag-post din si Emilienne via IG story ng dalawang litrato na pareho ng kay Joshua.

Caption ni Emilienne, “Merciiiiiiiiiii” at kiss emoji, na waring pa-thank you sa nagluto nito.

Dumagdag pa sa hinala ng netizens ang latest IG Story ni Emilienne kung saan ay may kasama siyang lalaki na nakayakap sa kanya sa loob ng elevator.

Kinunan ni Emilienne ng selfie ang sweet moment nila ng di nakilalang lalaki, pero di matukoy kung si Joshua ang kasama niya dahil tinakpan niya ang mukha nito.

Pinost ito ni Emilienne kagabi, July 25.

Samantala, bukod kay Emilienne, napabalita na ang YouTube vlogger na si Bella Racelis ang umano’y karelasyon noon ni Joshua dahil din sa madalas nitong paglabas sa Instagram feed ng Kapamilya actor.