Marian Rivera reveals convo with Dingdong Dantes about her intense fight scenes in Balota.
Marian Rivera on husband Dingdong Dantes expressing concern about her role in Balota: “Sabi niya, ‘Bibilinan kita, ha. May mga eksena na alam mong alanganin, wag mong gagawin. Kilala kita, hindi ka magpapa-dobol.’ E, hindi, kaya ko. So pag-uwi ko, may pasa ako, may sugat.” 

Ngayong Biyernes, June 28, 2024, ang finale episode ng Kapuso primetime teleserye na My Guardian Alien, na hudyat ng pagbabalik pag-arte ni Marian Rivera sa telebisyon.

“Wakasin na natin kasi isang taon ko na siyang ginagawa,” natawang sabi ni Marian.

Dugtong niya, “Okay na, nag-extend pa kami ng two weeks pa.”

Dito natuloy ang tambalan nila ni Gabby Concepcion, na nakasundo niya raw on and off cam.

“Ano siya, e, very professional,” paglalarawan ni Marian kay Gabby.

“To the point na nagre-reflect ang tatay ko sa kanya. Kasi, yung father figure niya kasi.

“Kapag nagkukuwentuhan kami, about family, kung ano ang ginagawa niya.

‘And naa-admire ko siya, na sa kabila ng mga nangyayari, family pa rin talaga ang gusto niya at priority niya.”

Base sa mga pahayag ng mga nakasama niya sa My Guardian Alien, tulad nina Kiray Celis at Raphael Landicho, naging malapit agad sa kanya ang mga ito kahit unang beses pa lang silang nagkatrabaho.

Balota': Marian Rivera performs all her scenes without body double - The  Filipino Times

Komento ni Marian, “Gano’n talaga, e, kasi, yun lang ang parang kaya kong i-extend sa mga katrabaho ko—na gusto ko, panatag sila. Gusto ko masaya kami sa set at pamilya kami.”

Noong June 26, 2024, eksklusibong nakapanayam si Marian sa YouTube show na Marites University, kunsaan co-host ang awtor na ito, kasama sina Fu Espiritu, Ambet Nabus, at Jun Nardo.

Magkakasunod na iling ang reaksiyon ni Marian nang itanong namin kung masusundan agad ang pagbabalik-teleserye niya.

“Kakatapos lang, okay na muna yon,” natatawang sabi ni Marian.

“Hindi ba, after ng show, kailangan nagre-rest? May Balota pa na Cinemalaya.” .

Ang tinutukoy ni Marian ay ang pelikulang prinodyus ng GMA Pictures para sa nalalapit na Cinemalaya film festival.

Tuluy-tuloy daw kasi ang trabaho niya.

Primetime Media - READ: Kapuso actress Marian Rivera,... | Facebook

Dugtong ni Marian, “Siyempre, after ng Rewind, nag-shooting kami, pinalabas, dire-diretso talaga, wala akong pahinga.”

Sa isang teaser, makikitang gumanap siya bilang teacher sa pelikula. Deglamorized ang hitsura niya.

Walang makeup, at may bahid ng dugo at putik ang kanyang mukha at uniporme.

“May prosthetic ako riyan, nilalagyan nila ko ng eyebags,” kuwento ni Marian.

Base sa titulo ng pelikula, may kinalaman sa eleksyon ang tema ng Balota.

“Tama naman, tama naman,” kumpirma ni Marian.

“Si Teacher ay isang teacher sa paaralan na nag-volunteer na alagaan ang boto ng sambayanang Filipino.

“So, alam natin na minsan masalimuot, merong gustong kumuha.

“Pero bilang grabe rin ang dignidad niya at prinsipyo sa buhay, hindi niya ibebenta ang boto na yon at ipaglalaban niya yon.

“Hanggang sa may nangyari na may humahabol sa akin.”

Bayolente ang mga eksena?

“Matindi,” sang-ayon ni Marian.

Dugtong pa niya, “Kaya kapag tinatanong ako, ‘AAng dami mo ng nagawa, ano ang bago rito?’

“Sinasabi ko talaga, very raw siya, e. Bukod sa no make-up, no double.”

Buwis-buhay ang dating ng kanyang karakter, pero game na tinanggap ni Marian ang role.

“Actually, noong nabasa ko talaga ang script, sabi ko, ang ganda ng makukuhang aral nito sa mga makakapanood.

“Parang tayo as individual, lalo na kung may mga anak ka, ipagkakait mo ba ang kapalaran nila nang dahil lang sa magkano ka?”

MARIAN ON FIGHT SCENES IN BALOTA

Bukod sa magandang kuwento ng pelikula, ibinahagi rin ni Marian ang pag-uusap nila ng direktor na si Kip Oebanda.

“Bago ko talaga tanggapin ito, nag-one-on-one kami ni Direk. Tanong ko talaga sa kanya, ‘Saan nanggaling itong kuwentong ito? Bakit mo naisulat ito? Bakit ako ang gusto mong gumanap dito?’

“So, do’n pa lang sa mga tanong ko na yon, nasagot niya ng tama.

“Kaya sabi ko, noong araw na yon, ‘Wala akong dahilan para mag-say no.'”

Ayon kay Marian, sikreto na lang niya ang mga sinagot ni Direk Kip.

Pero natatawa ring dagdag niya, “O sige, isa lang, parang hindi kasi puwede ang teacher na mahinhin na hindi palaban, pero gusto ng tao.

“So yung mga characteristics na yon na may mga fight scenes.

“Ang dami kong fight scene kasi dito. So, kung umaarte ka lang, pero hindi ka marunong mag-fight, parang kita kasi siya on-screen.

“Gusto niya ng fight talaga, harsh kung harsh talaga.”

May anak siya sa pelikula pero wala raw siyang asawa. Si Will Ashley ang anak ni Marian.

Natatawang hirit ni Marian sa kanyang role, “Medyo talandi rin siya riyan.”

Suportado si Marian ng mister na si Dindgong Dantes.

“Very excited, pero natakot siya para sa akin,” ani Marian.

Lahad pa niya, “Sabi niya, ‘Bibilinan kita, ha. May mga eksena na alam mong alanganin, wag mong gagawin. Kilala kita, hindi ka magpapa-dobol.’

“E, hindi, kaya ko. So pag-uwi ko, may pasa ako, may sugat.”

Lagi raw siya kinukumusta ni Dingdong.

“So, ending, sabi niya, ‘Magpapa-dobol ka na?’ Sabi ko, ‘Hindi.’ ‘O, tingnan natin kung ano ang iuuwi mo mamayang gabi.’

“So, gano’n na siya sa akin. Kasi, bawat uwi ko nga, may nangyayari sa akin dahil sobrang harsh nga ng mga eksena.

“At sinasabi ko sa asawa ko, itong mga sugat na ‘to, itong mga pasa na ito, maghi-heal naman yan, e.

“Pero yung 100% ko rito, kung hindi ko ibibigay, baka pagsisihan ko. Gusto ko yung all-out talaga lahat.”

Ngayon pa lang ay excited na si Marian sa reaksiyon ni Dingdong pag napanood ang Balota.

Gusto raw niyang masorpresa ang asawa kaya kahit daw sa mga larawan, ilan lang daw ang ipinapakita niya rito.

NOT EXPECTING FOR AN AWARD

May mga nagsasabi na baka panlaban sa Best Actress Award ang portrayal ni Marian.

Reaksiyon ni Marian, “Sobrang excited ako, pero expectation, wala akong masyadong expectation.

“Kasi minsan, ang hirap mag-jump into conclusion, tapos mamaya, yung expectation mo, hindi rin ma-meet.

“So, ayokong mag-expect or anything.

“But the mere fact na tinanggap ko ‘to, sabi ko sa sarili ko, ito yata ang kakaiba na nagawa ko sa buong buhay ko sa showbiz.

“Kasi, soap opera, kahit mahirap ka, naka-make-up ka. Kahit sa soap-opera, naka-blower ka.

“Dito sa amin talaga, as in, no make-up, zero.”

Kumusta naman ang mga linyahan niya sa pelikula?

Pag-amin ni Marian, “Actually, first day ko, kinabahan ako. Unang dialogue ko pa lang, hindi ko masabi ng tama kasi, yun na agad.

“Unang eksena ko pa lang, kinorek ako ni Direk. ‘Hindi, gusto ko, ganitong linya mismo.'”

ON DEDICATING HER WORK TO KIDS WITH DINGDONG

Halos dalawang dekada na si Marian sa showbiz.

Tulad ni Dindong, napanatili ni Marian ang pagiging A-Lister sa showbiz. Dagdag pa rito ang record-breaking box-office success ng 2023 Metro Manila Film Fest entry nilang Rewind.

Kapag nag-uusap sila, paano nila ito pino-proseso?

“Actually, kapag nag-uusap kaming mag-asawa, ang dami man blessing na dumarating sa amin, sobra siyempre kaming thankful, pero para sa mga anak namin.

“Kung dati, as individually at may relasyon kayong dalawa, parang more on individual, e.

“Parang, ano ang gagawin ko for myself? Pero, nag-iiba talaga yon kapag may pamilya ka.

“Kumbaga, ang lahat ng ito, ginagawa mo para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak mo.

“Lahat ng parents talaga, yun ang iisipin.”

Si Zia ay magiging Grade 4 na raw at si Sixto naman ay magiging Grade 1 na sa susunod na school year.

Patuloy ni Marian: “Ikaw, as a mom, artista ka, kung relevant ka pa rin, kinukuha ka ng mga endorsement.

“But at the end of the day, ang iisipin mo pa rin, yung future nila. Kasi, ang liliit pa.

“Dyusko! Bago ko iabot ng college, ang tagal. Mahabang lakbayin pa.

“So, sa mahabang lakbayin na yon, ang dami pang transformation na mangyayari.

“So kailangan masubaybayan mo at maibigay mo ang dapat at karapat-dapat para sa kanila.”