MAYNILA  — Mula sa kaniyang pagiging bahagi sa maaksyong buhay ni Tanggol sa “FPJ’s Batang Quiapo’ bilang si Oweng, sasabak naman ngayon sa pakikipag-kulitan ang small but terrible star na si  Baby Giant sa inaabangang pagbabalik ng “Goin Bulilit.”

Sa naging panayam ng ABS-CBN News kay Renz Joshua Baña, o mas kilala bilang si Baby Giant, ibinahagi niya ang kaniyang pananabik sa muling pagbabalik ng Kapamilya kiddie gag show kung saan siya magiging bahagi.

“Siyempre nagpapasalamat po ako kasi nakapasok po ako dito po sa big program dito sa ‘Goin Bulilit’ po sobrang thankful po talaga,” ani Baby Giant.

Kuwento pa ng small but terrible star,  hindi basta-basta ang kaniyang naging paghahanda sa bagong edisyon ng Kapamilya kiddie show.

“Yes merong adjustment po na nangyari kasi doon sa ‘Batang Quiapo’ po, puro action po ang ginagawa namin and then lumipat po ng comedy, pero kahit action o comedy okay na okay po ako doon,” masayang sambit niya.

Sa kaniyang paghahanda sa bagong yugto sa kaniyang karera bilang bagong kuya mga kids ng ‘Goin Bulilit’ pinasalamatan rin ni Baby Giant ang taong nag-biigay daan para maging bahagi siya ng programa.

“Ni-recomend po ako, tinawagan po ako ni Direk Coco, and then sabi po niya, ibibigay niya nga raw po ‘yung number ko kay Direk Bobot. Si Direk Coco po talaga ang naging daan, ipinasa po niya ang number ko sa kanila po,” kuwento ni Baby Giant.

Pinasalamatan rin ni Baby Giant ang aktor na si Coco Matin na patuloy ang naging tiwala sa kaniya para pasukin niya ang mundo ng show business.

“Hindi ko ma-explain na eto magagawa ko ‘yung ganito na makakapasok ako ng showbiz na dati hindi ko naman talaga insahan na makakapasok ako dito, pero ngayon andito na ako dahil ‘yun sa kaniya,” saad pa nito.

Bukod sa “Goin Bulilit” na mag-uumpisang mapanood ngayong July 1, patuloy rin na mapapanood si Baby Giant sa hit ABS-CBN series na “FPJ’s Batang Quiapo”.