Jean Garcia: Ayoko nang manampal, nakakapagod, masakit siya sa palm!
In fairness, hindi na mabilang ni Jean kung ilang artista na ang nakatikim ng kanyang makasaysayang pananampal sa mga ginawa niyang acting projects kaya naman binabansagan na rin siya ngayong Sampal Queen.
“Sumusunod lang ako sa kung ano lang ‘yung pinagagawa sa script bilang artista. Siyempre, ‘pag pinagawa sa’yo eh gagawin at natataon na marami-rami na rin akong nasasampal,” ang pahayag ng award-winning actress sa panayam ng GMA Network.
Pero aminado na siyang may mga pagkakataong nai-stress at napapagod din siya sa mga eksenang kailangan niyang magalit at manampal nang bonggang-bongga.
“Ayoko nang manampal, napapagod din ako. Masakit din siya sa palm, ah. Ayoko na pero kapag kinakailangan, yes, kapag sinabi sa script, yes. Pero hindi naman ako looking forward na sa eksena na mga sampalan,” aniya pa.
Hindi raw talaga biro ang gumanap na kontrabida, bukod sa nakakapagod ay nauubos din ang kanyang powers at energy.
“Actually, napapagod ako. Nakakapagod ding maging kontrabida kasi ‘yung energy at emotions na nilalabas mo, iba rin siya.
“Kahit na nananakit ka, it’s also hard kasi mas mataas ang emotions palagi ng kontrabida kaysa sa nakakaawa.
“Yung mas matapang, mas mahirap gawin ‘yun. Kunwari galit na galit ka, after nu’n, pagod na pagod ka. Tiring siya talaga,” pag-amin pa ng aktres.
Siguradong yan ang nararamdaman ni Jean sa mga eksena niya sa hit murder mystery drama na “Widows’ War” sa GMA kasama sina Carla Abellana at Bea Alonzo.
Ginagampanan niya ang matapang at kinatatakutang si Madam Aurora Palacios na isa sa mga hinihinalang mastermind sa mga nagaganap na patayan sa serye?
Napapanood pa rin ang “Widow’s War” Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime at Kapuso Stream.