Relasyon nina Camille at Carlo napurnada dahil kay John Prats!?

Relasyon nina Camille at Carlo napurnada dahil kay John Prats!?

Camille Prats, John Prats at Carlo Aquino

KNOWS n’yo ba ang dahilan kung bakit walang naging dyowang artista o manliligaw man lang si Camille Prats noong kanyang kabataan?

Inamin ni Camille na naging crush at puppy love niya ang award-winning actor na si Carlo Aquino noong mga bata pa sila at nagsisimula pa lamang sa mundo ng showbiz.

Kuwento ni Camille, totoong minsan na rin niyang naka-date noon si Carlo pero napurnada raw ito nang pumasok sa eksena ng kapatid niyang si John Prats.

Sabay na nag-guest ang magkapatid sa “Fast Talk with Boy Abunda” at dito nga nausisa kung sino ang first love ni Camille na ang pangalan daw ay nagsisimula sa letter C.

Simulang reaksyon ng Kapuso actress at TV host, “Hindi pa mamatay-matay ‘yan, Tito Boy, ha?”

Sey ni Camille, hindi naman daw niya kino-consider na first love si Carlo kundi puppy love lang, “Hindi ko naman dinenay, ‘di ba? Hindi ko naman dinenay.”

Pagbabalik-tanaw naman ng nakatatandang kapatid ng aktres na si John Prats, magkakasama raw sila noon nina Carlo at Stefano Mori sa bandang JCS.

Wala raw siyang kaalam-alam na nililigawan na pala ni Carlo ang kanyang sisteraka, “I can still remember nu’ng nangyayari ‘yung mga moments na ganyan, siyempre, JCS, banda kami.

“Tapos hindi namin alam, pinopormahan pa nu’ng isa ‘yung kapatid ko. Nu’ng nalaman ko talaga, para kaming mga ‘Wag natin papansinin ‘yan, Stefano, ha?’” natatawang kuwento ni John.

Sey naman ni Camille, medyo na-guilty daw siya that time dahil feeling niya siya ang dahilan kung bakit hindi pinapansin ng mga kabanda niya si Carlo.

“Pina-feel niya (John) talaga na ‘Bad trip ako sa ginawa mo,’” sey naman ni Camille.

Sobrang protective raw talaga ni John kay Camille na siyang naging dahilan kung bakit wala na raw siyang naging manliligaw o karelasyon na artista.

“Kasi lahat, kaibigan niya. So parang lahat, ‘Bawal nang ligawan si Camille,’ kasi kilala si Kuya,” rebelasyon pa ni Camille.