Vloggers inireklamo ng KathDen fans sa pag-video ng ‘HLA’ sa sinehan

Vloggers inireklamo ng KathDen fans sa pag-video ng 'HLA' sa sinehan

Kathryn Bernardo at Alden Richards

GALIT na galit ang mga fans nina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa ilang vloggers na nagpapakalat ng video clips na kuha mula sa pelikukang “Hello, Love, Again”.

Umalma ang mga KathDen supporters na hindi pa nakakapanood ng part 2 ng blockbuster hit na “Hello, Love, Goodbye” dahil nga sa naglalabasang spoilers.

Kahapon, November 13, nagsimulang mag-showing ang reunion movie nina Alden at Kathryn mula sa Star Cinema, ABS-CBN Studios at GMA Pictures, sa 1,000 sinehan nationwide.

Kasunod nga nito ang pagpo-post ng mga epal na vloggers ng mga litrato at video clips na kuha habang nanonood sila sa loob ng sinehan na parang walang pakialam sa umiiral na mga batas pagdating sa panonood sa mga cinema.

Tinalakan ng mga netizens ang mga bida-bidang content creator at sinabihang isang malinaw na paglabag sa batas ang kanilang ginagawa na maituturing na ring “pamimirata”.

Ang nanggagalaiting reaksyon ng isang nakausap namin, “Napakawalanghiya ng mga iresponsableng vloggers na yan. Talagang post kung post sila ng mga eksena sa HLA, pati yung mga plot twist! Ang kakapal ng mukha!”

May ilan naman ang nanawagan sa Star Cinema at GMA Pictures na aksiyuna agad ang isyu dahil hindi imposibleng mapirata rin ang buong pelikula at libre nang mapanood sa Facebook tulad ng nangyari sa “Rewind” nina Marian Rivera at Dingdong Dantes.

May isa namang nag-post ng kaukulang batas na nagbabawal at nagpaparusa sa mga taong kumukuha at nagbi-video ng pelikula sa sinehan.

Batay sa Republic Act No. 10088 o “Anti-Camcording Act of 2010,” mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha ng video at larawan ng pelikula habang nanonood sa loob ng sinehan.

Sa katunayan, ipinalalabas pa ang paalala sa mga manonood tungkol sa Anti-Camcording Act of 2010 bago simulan ang pagpapalabas ng pelikula sa loob ng sinehan.

Narito ang mga parusa sa sinumang lalabag dito.

Nagtilian mga fans, #KathDen sa last trailer ng #helloloveagain #trending -  YouTube

Ayon sa Section 4 ng RA 10088,  “A person who will be found guilty of violating the provisions of Section 3 shall be subject to a fine of Fifty thousand pesos (P50,000.00) but not exceeding Seven hundred fifty thousand pesos (P750,000.00) and imprisonment of six (6) months and one (1) day to six (6) years and one (1) day.

“If the purpose of the commission of the abovementioned acts is the sale, rental or other commercial distribution of a copy of the cinematographic or audiovisual work or its soundtrack, or any part thereof, the penalty shall be imposed in the maximum.

“If the offender is an alien, said person shall immediately be deported after payment of the fine and after serving his/her sentence. He/She shall thereafter be refused entry into the Philippines.”

“If the offender is a government official or employee, the penalty shall include perpetual disqualification from public office and forfeiture of his/her right to vote and participate in any public election for a period of five (5) years.”

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang official statement ang mga producers ng pelikula hinggil sa isyung ito.