Nakikiusap si Juliet Sunot na irespeto ang pagdadalamhati ng kanilang pamilya dahil sa pagpanaw ng kanyang kapatid na si Mercy Sunot.
Sina Juliet at Mercy ang lead vocalists ng sikat na Pinoy rock band na Aegis.
Binawian ng buhay si Mercy dahil sa lung at breast cancer sa California, USA, noong Nobyembre 17, 2024.
Marami ang nakikisimpatiya sa naiwang pamilya ni Mercy, pero may ilan na nagawa pang mag-imbento ng mga kuwento. Kabilang na rito ang pagku-quote kay Juliet kahit wala naman siyang inilalabas na pahayag.
Dahil dito, may panawagan si Juliet sa pamamagitan ng Facebook post nito ngayong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 20, 2024.
JULIET SUNOT’S STATEMENT
Ito ang kabuuan ng mahigpit na pakiusap ni Juliet sa mga kinauukulan:
“Your kind words have been a beacon of light in the darkness, providing us strength during this most difficul time and no amount of words could rightfully express our gratitude.
“May I humbly ask then, that people refrain from tailoring stories about my sister Mercy, quoting me of statements I never made, and may we be allowed privacy while we draw in all that has happened to my sister.
“Allow me to reiterate, I Juliet Sonot of Aegis, had never communicated with anyone for interviews & had never made statements that Mercy was into any vices.
“Please, please stop spreading malicious accusations against my sister.”
May sapat na dahilan para sumama ang loob ni Juliet dahil sa mga malisyosong balita na ikinakalat ng ibang mga tao tungkol sa pagpanaw ni Mercy.
MERCY’S SOCIAL MEDIA POSTS
Ang mga video na inilabas ni Mercy sa social media ang magpapatunay na walang katotohanan ang mga paninirang nagbibisyo siya.
Sa kabila ng kanyang mabigat na karamdamang kanser, hindi mababakas sa kanyang hitsura ang pagkakaroon ng sakit at pagsailalim niya sa chemotherapy treatment.
Isang malapit na kamag-anak ni Mercy ang nagsabi sa Cabinet Files na inaayos pa ang mga dokumento para maiuwi sa Pilipinas ang kanyang bangkay.
Hindi pa raw nila matiyak ang araw ng pagdating sa bansa ng mga labi ng pumanaw na mang-aawit.
Inanunsyo naman ng Aegis na tuloy na tuloy ang kanilang Valentine special concert sa Pebrero 1 at 2, 2025 sa New Frontier.
Ibibigay sa mga naiwan na anak ni Mercy ang bahagi ng kikitain ng magaganap na pagtatanghal na may pamagat na Halik Sa Ulan.