Joey, Keempee de Leon nagkaiyakan nang magkabati makalipas ang 5 taon
NAGKAIYAKAN ang mag-amang Joey de Leon at Keempee de Leon nang mabigyan ng pagkakataon na muling magkita, magkausap at magkaayos.
Lumuluhang naibahagi ni Keempee ang pagbabati nila ni Joey bago sumapit ang Pasko at Bagong Taon pagkatapos ng presscon ng bago niyang teleserye sa GMA 7, ang “Prinsesa ng City Jail”.
Halos limang taon palang hindi nag-usap at nagkita ang mag-ama dahil sa pagkakaroon nila ng isyu, partikular noong bigla na lang siyang matanggal sa “Eat Bulaga” na umeere pa noon sa GMA taong 2015.
Ayon sa aktor, talagang kinain niya ang kanyang pride at nagdesisyong puntahan si Joey sa studio ng “Eat Bulaga” para personal na batiin ng “Happy Father’s Day” ang kanyang tatay noong June 15, 2024.
“Last year lang ng Father’s Day, talagang sinadya ko talaga siya sa Eat Bulaga, na humility ba? Ako na yung nagpakumbaba?
“Although alam ko may kasalanan din ako dahil magulang is magulang, e. Bali-baliktarin mo man yan. Kahit sino may kasalanan, magulang mo pa rin, e.
“More than five years. Kasi na-depress din ako. Alam n’yo naman yun dahil sa work din, nawala tayo sa Bulaga. So, partly lahat yun talagang nag-pile up sa akin. Nagkulong ako sa bahay. Hindi ako lumalabas.
“Hindi ako nagpakita sa pamilya ko. Kahit malapit kami ng ate ko (Chenee de Leon), hindi ako nagpapakita. Wala. As in walang connection,” pagbabahagi ni Keempee sa ilang miyembro ng media.
Talagang dinamdam ni Kimpoy ang pagkakatanggal niya sa “Eat Bulaga” taong 2016 nang hindi niya alam ang dahilan. Dahil dito, dumanas siya ng depresyon at naging madalas ang pag-I ng alak.
“Dumating ako sa point na talagang yung galit ko sa trabaho, sa tao, yung mga nagtanggal sa akin…kasi I was left hanging, e.
“Wala akong idea kung bakit ako nawala. Humihingi ako ng sagot, wala. So, nandu”n talaga yung… yun talaga yung nag-down talaga sa akin,” aniya pa.
“Until such time dumating na…kasi alam niyo naman, born-again Christian ako. So, yun yung realization. Sinarili ko muna yung buhay ko na…na-realize ko na pina-realize ng Diyos sa akin, ‘Ano ba yung pagkakamali? Ano ba yung tamang ginawa mo?’” sabi pa niya.
Ang isa sa realization niya, “Kailangan tanggalin ko yung pride na yun. Kumbaga, yan yung isa sa pinakamakasalanang ugali ng tao na ayaw ng Diyos, e. So, tinanggal ko yun.
“Siyempre, may edad na rin si Daddy. So, ayokong mas mahirapan pa yung kalooban niya. Sabi ko, ‘If it’s Your will.’ Sabi ko, ‘Gagawin ko ito for You, not for me and for my dad,’” sabi pa ni Keempee.
Kasunod nito, naibahagi ng aktor ang pagpunta niya sa “Eat Bulaga” studio isang araw bago ang Father’s Day noong June 15, 2024. Grabe raw ang naramdaman niyang nerbiyos that time.
Kitang-kita raw niya ang pagkagulat ni Joey nang makita siya, “Nilapitan ko. Niyakap ko siya. Sabi ko, ‘Happy Father’s Day.’ Sabi ko, ‘Sinadya lang talaga kita, e. Kasi, nandito lang ako sa area.’’
“Alam mo yung reaksiyon ni Daddy? ‘Oh, okay.’ Parang hindi siya makapaniwala na nandoon ako. Kasi, four years, five years kami hindi nagkita.
“Sabi niya, ‘Oh, may promo ka ba dito? Ba’t nandito ka? May po-promote? ’Sabi ko, ‘Sinadya lang talaga kita. Sabi ko, ‘Happy Father’s Day.’ Tapos niyakap ko siya. Sabi ko, ‘Wala, na-miss na kita.’
“So, doon na lang. Wala na kami pinag-usapan na. Wala naman kami pinag-usapan na problema. Kaswal. Alam mo si Daddy, di ba? Daddy kasi ayaw niya ng problema. Gusto niya masaya lang lagi,” aniya pa.
“So, nandu’n ulit yung connection namin. Sabi ko, ‘At least kahit paano, Lord, medyo okay, okay na.’ Pero alam mo yung medyo… hindi painful yung pakiramdam mo. Kasi yung hindi ko pa masabi talagang ‘Sorry, ‘Dy.’ So, hinayaan ko lang,” saad ng aktor.
After ilang months, muli raw silang nagkitang mag-ama sa birthday ng asawa nitong si Eileen Macapagal at dito na raw siya nakapag-sorry.
“First time kong makaapak ulit sa bahay niya sa Green Meadows. Parang outsider yung feeling ko, alam mo yun? Parang, sige, sabi ko, ‘Bahala na!’” sabi ni Kimpoy.
Pagpasok daw niya sa bahay, “Total silence. Yumakap na lang ako sa Tita Eileen ko. Nag-sorry ako, sa kapatid ko, kapatid ko si Jocas, umiiyak. Sabi ko, ‘Ba’t ka umiiyak?’ Sabi niya, ‘Tagal mo nawala, e.’
“So, na-feel ko ulit na at home ako… na yung welcome ulit ako. So, yung forgiveness ng family, nandu’n pa rin. So okay, lahat. Brothers ko, lahat,” dagdag niya.
Hanggang sa yayain daw siya ni Joey sa isang kuwarto ng kanilang bahay, at pagpasok nila roon, “Inakbayan niya akong ganyan. Umiyak na ako.
“Doon na ako umiyak na talagang, parang bata, hagulgol ako, hagulgol. ‘Sorry po.’ Napa-po nga ako, e. ‘Sorry po.’
“Sabi ko, ‘Dy, sorry sa lahat, patawarin mo ako.’ Pati siya umiyak na rin, naghahagulgulan na kami. Doon ko naramdaman, sabi ko, ‘Eto kami nung tatay ko. Ito yung relasyon namin talaga, yung close kami.’
“Naramdaman ko ulit yung father-and-son relationship. Sa akin, yung iyak ko is more of joy. And yung peace na nagkapatawaran kami.
“Naiyak ako lalo nu’ng sabi niya, ‘Hindi ko nga alam nasan ka? Kamusta ka? Kung ano bang kinakain mo? Ano nangyari? O anong pakiramdam mo?’
“Masaya lang ako. Naiiyak ako kasi masaya. Naging okay kami, lahat,” sey pa niya.
Hanggang sa nagkaiyakan na raw silang mag-ama, “Sabi ko lang, ‘Dy, mahal kita. Anumang mangyari, mahal kita. Sorry na lang talaga.’ Yun na lang nasabi ko, sorry.”
“Yung pagkakamali ko pinairal ko kasi talaga yung pride. So, may nagsabi lang sa akin na may mga bagay talaga tayong tanong na minsan walang sagot.
“So, inisip ko na lang, parang graduation talaga. Okay na yon, napatawad ko na yun,” pahayag pa niya.
Samantala, excited na si Keempee sa pagsisimula ng bago niyang teleserye sa GMA, ang “Prinsesa ng City Jail” na pinagbibidahan nina Sofia Pablo at Allen Ansay.