Manny Pacquiao

 

IPINAWALANG-BISA ng California Superior Court ang $5.1 million o P282 milyon multa na una nang ihinatol ng mga hurado sa kasong isinampa ng Paradigm Sports Management na ‘breach of contract’ laban kay boxing legend Manny “Pacman” Pacquiao matapos mapag-alamang walang lisensiya ang naturang kumpanya sa estado ng California.

Sa isang nakakagulat na pangyayari, binaligtad ni California Superior Court Judge Walter P. Schwarm ang naunang hatol na nag-uutos kay Pacquiao na magbayad ng $3.3 million para sa breach of contract at $1.8 million para naman sa ‘breach of the implied covenant of good faith and fair dealing’ na iniatas ng Orange County jury noong Mayo 2, 2024 para sa 10 mga hatol laban sa nag-iisang eight division world champion.

 

Sinubukan ng kampo ni Pacquiao na makipag-areglo na naglatag ng $4 million para sa kaso, subalit nanindigan ang Paradigm at dinala sa korte ang laban na ginanap noong Mayo 17, 2023. Subalit nagsampa ng mosyon ang kampo ni Pacquiao sa naunang hatol, na nangangatwirang ang Paradigm ay hindi wastong nabigyan ng lisensiya bilang isang tagapamahala sa ilalim ng batas ng California. 

“The court finds for Mr. Pacquiao on the Declaratory Relief cause of action and declares the Contract void due to illegality,” paglalahad ni Schwarm sa kanyang kautusan sa report na inilabas ni Kevin Iole.

Agad naman naglabas ng statement ang kampo ni Pacquiao mula sa kanyang abogado na si Atty. Jason Aniel, ng Haight Brown & Bonesteel, na pinuri ang pagpapasya ni Judge Schwarm na pinaboran ang pansamantalang desisyon para sa kanyang kliyente.

“Although the judgment is not presently final, we are pleased that the Court made its tentative decision on the legal issues in Mr. Pacquiao’s favor,” saad ni Aniel. “The Court decided the contract that Paradigm Sports Management sought to enforce against Mr. Pacquiao was illegal as Paradigm was not properly licensed. Mr. Pacquiao appreciates the court’s time and effort in hearing all the evidence and the applicable law to reach this decision.”

Nakasaad umano sa Section 18642 ng California Business and Professions Code na, “… no person shall participate in any contest or service in the capacity of a booking agent, manager, trainer or second, unless her or she has been licensed for that purpose by the commission.”

Unang beses na nagkaroon ng kasunduan sina Pacquiao at ang Paradigm noong Pebrero 8, 2020, habang pumasok sa partnership contract ang mga ito noong Oktubre 11 na magiging eksklusibong kasosyo sa buong mundo.

 

Huling beses sumabak sa exhibition match si Pacman noong Disyembre 11, 2022 laban kay South Korean fighter DK Yoo, habang mayroong nakaplanong laban ito ngayong taon sa panibagong exhibition bout sa ilalim ng kilalang Japanese Promotion na RIZIN.

Sumabak naman sa huling professional match si Pacman kay Yordenis Ugas ng Cuba na nagtapos sa 12-round unanimous decision na pagkatalo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada. (Gerard Arce)