Coco Martin explains why he doesn’t want his family members to enter showbiz: “Hangga’t maaari, ayaw kong pinapa-touch yung family ko. Kasi para sa akin, yun na lang ang natitirang pribado sa buhay ko.”
Pagdating sa product endorsements ni Coco Martin, madalas ay ipinasisilip niya sa publiko kung ano ang mga pinagdaanan niya sa buhay bago siya nakilala sa showbiz.
Katulad sa bago niyang TV commercial para sa King Cup Sardines, makikita ang pagmamaneho niya ng tricycle, na dati niyang kabuhayan bago naging aktor.
“Actually, sabi ko nga, yung commercial na iyan, parang ako sa totoong buhay.
“Dati kasi nagta-tricycle lang ako, kaya nagta-tricycle ako [sa commercial],” sabi ni Coco nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang reporters sa press launch ng bago niyang TV commercial noong Huwebes ng gabi, June 28.
Bukod dito, maririnig din sa nasabing TV ad ang muling pagbanggit ni Coco sa kanyang lola.
Personal na suhestiyon daw ito ni Coco.
Paliwanag niya, “Ganun kasi ako, e, lalo na kapag binibigyan ako ng chance kung sino ang gusto kong i-suggest.
“Gusto ko yung totoo.
“Gusto kasi nila na yung malapit sa puso ko. E, sino ba ang malapit sa puso ko?
“Yung lola ko ang nagluluto ng pagkain namin sa araw-araw.
“Kaya sinabi ko kanina, kapag gipit at walang masyadong pera, e, di sardinas.”
Pero agad nilinaw ni Coco na ang gumanap na lola sa kanyang commercial ay hindi ang tunay na lola niya.
Para kay Coco, tama na raw na isang kapatid niya ang kasama niya sa showbiz.
“Yun ang medyo iniingatan ko, e—yung pribado kong buhay. Ayaw ko na, e.
“May isa akong kapatid na nakapasok sa showbiz, sa indie, si Ronaldo Martin.”
Diin pa niya sa huli, “Hangga’t maaari, ayaw kong pinapa-touch yung family ko.
“Kasi para sa akin, yun na lang ang natitirang pribado sa buhay ko.”