Comedian Lassy Marquez: “Bata pa lang ako, may pangarap na ako at nagsusumikap kahit gaano kahirap ang pag-asenso.” Ang Beauty and The Bestie ang isa mga pelikula kunsaad sidekick siya ni Vice Ganda (bob hair, right).
PHOTO/S: @akolassy Instagram / Screen grab from Beauty and The Bestie
Bida na sa pelikula ang comedian na si Reginald “Lassy” Marquez.
Siya ang isa sa lead stars ng Sarap Mong Patayin.
Nagsimula ang showbiz career ni Lassy noong 2012 nang isama siya ng pumanaw na direktor na si Wenn Deramas sa This Guy’s In Love With You Mare, ang comedy movie nina Vice Ganda, Luis Manzano, at Toni Gonzaga.
Mula noon, madalas nang kasali si Lassy sa mga pelikula ni Vice bilang isa sa supporting cast members.
Ilan sa mga pelikula ni Vice na kasama siya: Beauty and the Bestie (2015), The Super Parental Guardians (2016), Gandarrapiddo: The Revenger Squad (2017), at M&M: The Mall The Merrier (2019).
Hindi nakakalimot si Lassy sa pagpapasalamat kina Wenn at Vice na nagbigay sa kanya ng malaking oportunidad para maging artista.
LASSY’S FIRST LEAD ROLE
Hanggang sa dumating ang panahong siya naman ang bida.
Lahad ni Lassy: “Hindi ako makapaniwala at na-excite ako na medyo kinakabahan dahil isa sa mga bida ang gagampanan ko.
“Nalaman ko lang na bida ako nang sabihin sa akin na bagay sa akin ang role na gagampanan ko.
“Noel ang pangalan ko sa pelikula, at tungkol ito sa mga taong mahilig mag-catfish o gumamit ng ibang imahe sa social media para makapanloko ng tao at makuha ang mga gusto nila.”
Bilang bida sa unang pagkakataon, hindi maiwasan ni Lassy na kabahan at mag-isip dahil sa challenging role na ipinagkatiwala sa kanya ng direktor na si Darryl Yap.
OVERCOMING CHALLENGES IN LIFE
Hindi inililihim ni Lassy na nanggaling siya sa mahirap na pamilya.
“Malungkot talaga ang maging mahirap sa buhay. Mahirap talaga ang maging mahirap, kaya bata pa lang ako alam ko na ang buhay.
“Bata pa lang ako, may pangarap na ako at nagsusumikap kahit gaano kahirap ang pag-asenso.”
Dumanas din siya ng pang-aapi kaya ginagawa niya ang lahat para matupad ang kanyang mga pangarap.
Kuwento pa ni Lassy: “Isa rin ako sa biktima ng bullying at pang aapi. Nakakalungkot dahil noon, kahit masakit ay tinatanggap ko na lang ang mga pangbu-bully sa akin.
“Pero dumating din yung time na natauhan na ako na hindi masamang lumaban kapag sumusobra na.
“Noong medyo tumatanda na ako, sinabi ko sa sarili ko na gusto kong umasenso para sa mga taong nang-api sa akin at makita nila ako na hindi naapektuhan sa mga ginawa nila.”
Mas nag-focus si Lassy sa mga biyayang tinatamasa niya.
“Matagal ko na rin kinalimutan ang lahat ng mga bagay na hindi magandang nangyari sa akin dahil hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa kanila.
“Bata pa lang ako, napatawad ko na sila dahil mas binibigyan ko ng oras ang mangarap sa buhay.
CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!
Barbie Forteza at Jak Roberto, HIWALAY NA! | PEP Hot Story
“Noon pa man, marunong na akong humanap ng pagkakakitaan at hindi umaasa sa magulang para may pambaon ako habang nag-aaral.
“Masaya ako sa buhay ko at ako’y nagpapasalamat sa kung ano ang meron ako sa ngayon.”
WORKING FOR HIS DREAM HOUSE
Ang magkaroon ng malaking bahay at maipasyal sa ibang bansa ang kanyang pamilya ang ilan sa mga pangarap ni Lassy dahil kaligayahan nitong makitang masaya ang mga mahal niya sa buhay.
“Bukod sa malaking bahay na sinisimulan ko nang tuparin, pangarap kong mag-travel sa ibang bansa kasama ang aking buong pamilya.
“Never pa kami nakapangibang-bansa na magkakasama. Gusto kong ma- experience nila ang pakiramdam na nasa ibang bansa at makita ko silang masasaya.”
Ano ang mga dasal mo ngayon sa Panginoong Diyos na naging mabuti sa ’yo?
Sagot ni Lassy: “Una sa lahat, ako’y nagpapasalamat sa ating Panginoon dahil hanggang ngayon ay gumigising tayo.
“Ang tanging dasal ko lang sa ating Panginoong Diyos ay bigyan kami lagi ng ligtas na buhay, kalusugan, at mahabang buhay para magkasama-sama pa kami nang mas matagal.”