Inamin ni San Juan City Mayor Francis Zamora na nakarating sa kanya ang usap-usapang inuugnay ang kanyang anak na si Amanda Zamora sa aktor na si Daniel Padilla.

Nababasa raw niya ang komento ng netizens at ipinararating din ng kanyang constituents ang tungkol dito.

“Alam niyo, sige, siguro banggitin ko na rin po, yes, ang aking anak po ay nali-link kay Daniel Padilla…

“So, bilang isang ama, gusto ko sabihin sa inyo lahat na hindi po totoo yan,” saad ni Zamora bilang pagtukoy sa mga bali-balitang may ugnayan sina Amanda at Daniel.

Francis Zamora, Daniel Padilla, Amanda Zamora

Nakausap ng ilang entertainment press, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Zamora sa launching ng Charm by Dr. Joel Lopez, MD, isang beauty clinic sa Greenhills Mall, kahapon, July 31, 2024.

Giit ng alkalde ukol sa kanyang anak na babae, “Actually, hindi naman siguro lingid sa inyong kaalaman na napapag-usapan na rin lately. At in fact, nasasama nga siya sa mga comments.

“In fact, alam ko po na nili-link po siya ng ibang mga tao. Pero bilang isang ama, ako na po magsasabi na hindi po totoo ‘yan.”

Si Amanda ay isa na ring showbiz personality.

Nakilala siya bilang housemate sa Pinoy Big Brother: Connect (2021) at isa ring Star Magic artist.

Amanda Zamora PBB: Connect

Si Daniel ay isa sa prime artists ng ABS-CBN at dating boyfriend ng aktres na si Kathryn Bernardo.

Inanunsiyo nila ang kanilang breakup noong November 30, 2023 matapos ang 11 taong relasyon.

 

MAYOR ZAMORA ON ALLEGED VIRAL PHOTOS of daniel and amanda

Kinunan din ng reaksiyon si Mayor Zamora sa umano’y lumabas na photos na magkasamang naglalakad sina Daniel at Amanda.

Pagtanggi ng alkalde, “Definitely hindi ko po anak yun, kung sakaling may mga viral photos.”

Sumang-ayon siya sa posibilidad na maaaring edited ang tinutukoy na photos.

“Oh, yes. Si Amanda has been single all her life so hindi po totoo yan,” paniniyak ng mayor.

“In fact, I’m surprised as a father. At her age, single pa rin siya kasi ano, e, very independent-minded and marami siyang gusto gawin sa buhay.

“So, kung maaalala ninyo, ang one and only major exposure naman niya sa showbiz really then was Pinoy Big Brother.

“Tapos, after that, nagkaroon siya ng movie, yung Connected under Star Magic.

“So, after that medyo, naglay-low na rin siya.”

Nagbigay rin ng update si Zamora ukol sa anak.

“She’s 23 years old. She’s now focused on her studies kasi siya po ay, in fact, nasa Amerika po ngayon.”

Sa darating na September ay sisimulan na raw ni Amanda ang kanyang Master’s degree in Marketing sa isang U.S. university.

MAYOR ZAMORA IS BEST FRIENDS WITH DANIEL AND FAMILY

Ibinunyag din ni Zamora na matalik na kaibigan niya si Daniel at ang pamilya ng aktor.

“For many years, we’ve been together. In fact, last month, tayo rin po nagkasal kay JC, yung anak ni Karla, so matagal na kami magkakaibigan.

“At si Daniel po ay kaibigan natin matalik,” lahad ng San Juan mayor.

Business partners din sina Zamora at Daniel sa isang bar sa Greenhills, ang District 8, kung saan kasosyo rin nila sina Vice Ganda, James Yap, at iba pa.

Sundot ni Zamora, “Ang mag-friends talaga, ako at si Daniel.

“Amanda has always been just a fan [ni Daniel] nung bata pa siya.”

Magkaibigan naman daw si Amanda at ang nakababatang kapatid ni Daniel na si Magui Ford.

Sundot ng PEP.ph, hindi ba kinausap ni Zamora si Daniel ukol dito lalo na’t nadadawit ang kanyang anak?

“Hindi naman,” sagot ng mayor.

“Actually, kasi alam niyo, kung alam naman nating hindi totoo, hindi na para pagtuunan pa ng pansin.

“Kasi alam naman namin talaga hindi totoo.”

Hindi ba nakikita ni Zamora ang posibilidad na magkaroon ng ugnayan sina Amanda at Daniel, lalo pa’t parehong single ang mga ito?

“Actually, hindi ko nakikita mangyayari yan,” mabilis na sagot ng alkalde.

“Hindi ko naman nakikita mangyayari yan kasi baka merong ibang mga focus din naman si Daniel ngayon.

“Mayroon na siyang bagong business at hindi ko naman din siya tinatanong tungkol sa loveife niya.”