MAYNILA — Magsasanib-puwersa sa isang pelikula sina Coco Martin at ang mga senador na sina Lito Lapid, Robin Padilla at Bong Revilla Jr.

Sa Instagram nitong Martes, ibinahagi ni Revilla ang isang retrato kung saan makikitang magkasama silang apat.

Kasama rin nila sa retrato sina Val Iglesias, Mark Lapid, Rez Cortez, at ang direktor na si Brillante Mendoza.

Ang mga salitang “Ayos na” at isang thumbs up emoji ang naging caption ng post ni Revilla.

Ayon sa ulat ng PEP, kinumpirma ni Revilla na tuloy na ang pelikula na gagawin nilang apat na ididirehe ni Mendoza at ipo-produce naman ng Imus Productions.

Matatandaang nagkasama rin sina Martin at Lapid sa pelikulang “Apag” kung saan si Mendoza rin ang direktor.

Sa ngayon ay bida si Martin ng seryeng “FPJ’s Batang Quiapo” kung saan kasama niya rin sina Lapid at anak nitong si Mark.