Carlos Yulo's father comments on post about son

Mark Andrew Yulo (left photo, with wife Angelica Yulo) takes a swipe at son Carlos Yulo (right photo, with girlfriend Chloe San Jose, right) over news about him wanting to learn other sports aside from gymnastics: “Dapat matuto siyang mag-sorry sa kanyang nanay.”
PHOTO/S: Courtesy: Facebook

Carlos Yulo’s father takes a swipe at Olympic gold medalist

Hindi na marahil nakapagpigil si Mark Andrew Yulo maglabas ng saloobin tungkol sa kanyang anak na si Carlos Yulo.

Ito ay kaugnay ng alitan sa pagitan ng two-time Paris Olympics gold medalist at ng sarili nitong ina na si Angelica Yulo.

Sa Facebook post ng ABS-CBN News nitong Martes, September 3, 2024, ibinahagi ang balitang gusto raw ni Carlos na matuto ng iba pang sports bukod sa gymnastics.

Nakalagay sa caption ng post, “Legend na siya sa gymnastics at kung bibigyan ng pagkakataon ay gustong matuto ni Carlos Yulo ng ibang sport.”

 

Pahayag ni Carlos sa panayam, “Gustung-gusto ko matuto ng kickboxing. Pero hindi po ano, wala pong sparring.”

Nahihiwagaan daw kasi siya sa footwork ng naturang sport kaya nais niyang matuto nito balang araw.

Ani Carlos, “Gusto ko lang ma-try yung trainings nila and mag-cross training po. And also boxing po.

“Siguro po yung footwork talaga. Yung combat, hindi ko alam. Ayoko makipag-sparring po pero gusto ko po matuto.”

Sa comments section ng post ng ABS-CBN ay nagkomento ang ama ni Carlos na si Mark Andrew Yulo.

Pinasaringan ni Mark ang anak.

Ang dapat daw matutunan ni Carlos ay “mag-sorry” sa kanyang ina na sinabihan niyang “magnanakaw.”

Buong komento ni Mark (published as is): “Dapat matuto siyang mag sorry sa kanyang nanay na Mali ang Ang sabihan nya ang kanyang nanay na mag nanakaw para gumanda ang kanyang imahen”

Mark Andrew Yulo's comment about son Carlos Yulo

CONTINUE READING BELOW ↓

NOOD KA MUNA!

THE YULO FAMILY CONFLICT

Nabalahaw ang publiko isang araw matapos manalo ng kanyang unang medalyang ginto si Carlos sa Paris Olympics 2024 men’s gymnastics floor exercise noong August 3, 2024.

Kinabukasan, August 4, nagbigay ng panayam ang kanyang ina na si Angelica Yulo sa media upang bigyang linaw ang unti-unti nang nalalantad na hidwaan nila ng anak.

Ayon sa haka-haka ay hindi maayos ang relasyon ng dalawa dahil sa usapin ng pera.

May mga netizen na nag-akusang “mukhang pera” si Angelica at naghahabol umano ito sa perang kinikita ng anak bilang atleta para sa national team.

May mga nagsabi pang winaldas umano ng pamilya ni Carlos ang pera na galing sa mga kumpetisyong sinalihan nito dati at nang walang pahintulot mula sa 24-anyos na atleta.

CARLOS’ MOTHER AIRS SIDE ON ISSUES

Sa panayam sa ina ni Carlos na in-upload ng Bombo Radyo sa Facebook page nito noong Agosto 4, ipinagtanggol nito ang sarili laban sa mga malisyosong akusasyong kumakalat online.

Ayon kay Angelica, bagamat hawak niya ang bank passbook ni Carlos ay hindi niya ito kailanman inangkin at itinuring na sariling pera niya.

Sa salaysay ni Angelica ay tila nagkaroon ng insidente kung saan nagpagawa ng affidavit of loss si Carlos para makakuha ito ng bagong kopya ng passbook.

Lahad niya, “Since hawak ko yung passbook niya, nagpasa siya ng affidavit of loss. Got it notarized tapos pinasa niya sa BDO.

“So siyempre, sa kanya lang nakapangalan yun. Kaya may right talaga siya na kunin yung pera niya.

“Kaya lang kasi, hindi ko in-expect sa ganung paraan. Kasi binigyan ko pa siya ng benefit of the doubt na kukunin niya sa amin [ang passbook] nang maayos na [paraan]. Ibibigay naman namin.”

Dagdag pa niya, “As far as I remember, December 2022, nagpunta kami ng bank o nag-update pa kami ng signature niya.

“Ngayon, kung ako after ako sa pera niya, that time kasi alam ko iba na yung feeling ko.

“That time, sana sinabi ko sa kanya mag-joint account kami. Pero never kong sinabi. Hindi ko ginawa.

“So, ang sa akin is alam ko pinaghirapan niya yun. Gastusin niya sa paraan kung saan siya masaya.

“Kasi, at the end of the day, lahat naman ang pinaghirapan niya dapat siya lang talaga yung makikinabang.”

Sa katunayan daw ay nakuha ni Carlos nang walang bawas ang pera niya sa kanyang BDO account, patunay na hindi ito pinagkainteresan ni Angelica at ng mga kapamilya ng atleta.

Saad niya, “Nakuha naman ni Caloy nang buung-buo sa BDO yung pera niya na nagkakahalaga ng PHP11 million. So, nakuha niya yun.”

Pagdating naman sa isa pang bank account ni Carlos sa Land Bank of the Philippines, kaya raw patunayan ni Angelica kung saan ginastos ang mga perang kinuha galing dun.

Salaysay niya, “Maraming withdrawals sa Land Bank niya na ATM. So, hawak ko yung ATM niya na dun pumapasok yung allowance niya from 2013 to 2022.”

Ang tinutukoy ni Angelica ay ang allowance na natatanggap ni Carlos mula sa Philippine Sports Commission (PSC) bilang atleta na kabilang sa national team.

“Pero during that time, noong mga 2013 to 2014, ang sinasahod niya from PSC is PHP5,000 lang.

“Then, after a year, naging PHP8,000. After a year ulit, naging PHP10,000, until December 2019 kasi nanalo na siya noon.

“Tumaas yung allowance niya noong nag-qualify siya sa [Tokyo] Olympics ng 2020.

“Pero may mga withdrawals talaga doon na meron naman akong proof kung saan napunta.

“May mga malalaking amount talaga kasi pumasok talaga siya sa Gymnastics Association of the Philippines way back 2020 na nagkakahalaga siya ng PHPP488,000.”

Naitabi raw ni Angelica ang deposit slips at iba pang resibo ng mga transaksyon mapa-deposit man ito o withdrawal.

“Meron akong proof, nandito sa phone ko, nasa akin.

“Meron mga resibo din na kinuhanan ko siya ng BDO Life niya, na nabayaran ko na siya bago pa mag-advance payment. Even the Sun Life na dalawa yung insurance niya.”

Iniisip lamang daw ni Angelica ang kinabukasan ni Carlos para kung sakaling mangailangan ito sa hinaharap ay meron itong mapagkukunan.

“Meron din akong resibo ng mga yun and yung [BDO] passbook na hawak ko na nandun pa yung PHP11 million.

“Kasi hindi ko naman siya mawi-withdraw kasi kay Caloy lang siya nakapangalan” diin ni Angelica.

Lumabas din na hindi gusto ni Angelica ang girlfriend ni Carlos na si Chloe San Jose.

Ayon pa kay Angelica, may iba pang pera si Carlos.

Pero, maliit lang daw ang laman nito.

Cash incentives daw ito ni Carlos mula sa sinalihang World Championships 2021 na ginanap sa Kitakyushu, Japan.

Aniya pa, “So, sa akin binigay. Ang ginawa ko, nararamdaman ko bilang ina, ang sabi ko, baka maubos yung anak ko in the future.

“So, ang ginawa ko, inano ko siya, dineposit ko siya under my name sa BPI dito sa Vito Cruz.

“Then, pina-hold ko siya, ginawa ko siyang bond for credit card.

“Nung nagkaroon kami ng discussion ni Caloy, pinuntahan ko agad yung BPI kung paano ko siya puwedeng isoli yung credit card para ma-withdraw ko yung pera niya.

“So, unfortunately, kailangan ko ng two years para ma-withdraw ko siya, otherwise magpe-penalty ako.

“Tapos for ano pa daw yun, sabi nila for approval pa. Kasi isu-surrender ko lang naman yung credit card na yun. So, intact yung mga pera niya.”

Dito ay tinanong si Angelica kung ano kaya sa palagay niya ang naging mitsa ng hindi nila pagkakaunawaan ng anak.

Sagot niya, “Ang naging mitsa lang naman talaga ever since yung babae talaga. Lalong lumaki [ang hidwaan].”

Tila ang tinutukoy na babae ni Angelica ay ang Filipino-Australian vlogger na girlfriend ni Carlos na si Chloe.

Pakiramdam ni Angelica ay nilalayo ni Chloe si Carlos sa pamilya nito.

Sabi ni Angelica, “Oo, alam ko, gusto nilang magkasama. Gusto niyang makasama si Caloy, gusto rin siyang makasama ni Caloy.

“Pero siyempre, kasi pamilya kami. Kumbaga, parang matagal din namin siyang hindi nakasama. Because of pandemic, di ba?

“So siyempre, kung siya gusto rin siyang makasama nung girl, how much more kami na pamilya niya na gusto rin siyang makasama?

“Even yung mga kapatid niya kasi talagang medyo nalulungkot lang kasi sobrang close silang magkakapatid.”

Sa huli ay idiniin ni Angelica: “Wala kaming ninakaw, wala kaming ginalaw na pera niya. Siguro meron portion na hindi man lang sabihin mong aaray yung bulsa niya.”

CARLOS YULO BREAKS SILENCE ON ISSUE

Dalawang araw makalipas manalo ni Carlos ng second gold sa Paris Olympics noong August 6, 2024, nag-post ito ng video sa TikTok.

Inisa-isa niyang sinagot sagutin ang mga pahayag ng kanyang ina laban sa kanya at sa girlfriend niyang si Chloe San Jose.

Kasama ni Carlos sa video si Chloe.

Unang sinagot ni Carlos ang tungkol sa usapin ng pera buhat sa allowance at kinikita niya bilang atleta para sa national team..

Kaugnay ito ng akusasyon ng ilang netizens na “mukhang pera” ang ina ni Carlos at naghahabol umano ito sa perang kinikita ng anak.

May mga nagsabi pang winaldas umano ng pamilya ni Carlos ang perang galing sa mga kumpetisyong sinalihan nito nang walang pahintulot, dahilan para sumama ang loob ng atleta.

Bagay na itinanggi ni Angelica nang makapanayam siya ng Bombo Radyo noong August 4.

Ngunit ayon kay Carlos, hindi lang PHP70,000 ang perang nakuha ng kanyang ina mula bank account niya.

Sa tantiya ng Olympic champion, aabot ito ng mahigit isandaang libo na hindi man lang daw ipinaalam sa kanya ng ina nang pumasok ito sa bank account niya.

Pahayag ni Carlos: “Unang-una po, yung seventy [thousand] na incentive na sinasabi niya from World Championships 2021 po.

“Unang-una po, 2022 [World Championships] po yon.

“At hindi lang po seventy [thousand] yung na-receive ko po doon.

“Alam ko, six digits po yon dahil dalawa po yung nakuha kong medalya.

“After nun, mga bandang December, umuwi ako sa Pilipinas. Nagkikita kami ng mama ko at hindi niya sa akin sinasabi na na-receive niya na pala yung incentives ko from World Championships.

“Hindi ko pa po malalaman na na-receive niya na pala yung incentives ko [from World Championships] kung hindi ko pa hinanap.”

Wala naman daw kaso kay Carlos kung nagastos ng kanyang pamilya ang cash incentives niya. Ang gusto lang daw niya ay agad ipinaalam sa kanya ang perang pumapasok sa bank account niya, at kung gagastusin man, saan ito ginamit ng kanyang ina.

Saad niya: “Never ko na po na-receive yung incentives ko po na yun, at never ko na rin naman po na hiningi yun sa kanila.

“Binigay ko na at wala na po yun sa akin. Ang sa akin lang naman, gusto ko malaman kung saan napunta yung incentives ko po na yan.

“Yung principle po kasi dito, wala po sa liit o laki ng amount po na incentives po na ginalaw niya, kundi po sa pagtago at paggalaw niya nang wala ko pong consent, yung pina-point ko po sa kanya.”

Dinepensahen din niya ang nobyang si Chloe laban sa ina.

Matatandaang sa panayam kay Angelica ng Bombo Radyo, tila si Chloe nga ang pinaratangan niyang naglayo sa damdamin ng anak sa kanilang pamilya.

Paliwanag dito ni Carlos, “Yung about sa red flag daw po si Chloe na sinabi ng mama ko, hinusgahan niya po agad si Chloe sa pananamit at sa pag-akto po niya.

“Magkaiba po [kami] ng kinalakihan.

“Unang-una po, lumaki si Chloe sa Australia. At ayun yung kinagisnan niyang culture na ibang-iba po talaga sa Pilipinas — kung paano tayo gumalaw, magsalita o manamit po.”

Hindi rin daw totoo ang iniisip ni Angelica na huhuthutan lamang ng pera ni Chloe si Carlos kaya ito nakipagrelasyon sa anak.

Depensa ni Carlos, “Yung about po sa ‘mauubos yung anak ko’ na sabi rin po ng mama ko, unang-una po, si Chloe po ay may sariling income.

“Lahat po ng nakikita niyang gamit o yung pagta-travel niya kung saan-saan ay galing po yon sa pinagpaguran niya po.

“Bakit naman po ako mauubos? Gaya nga po ng sinabi ko, si Chloe po ay may sariling income and lahat po ng bank accounts ko ay nasa mama ko.

“May mga instances nga na si Chloe pa yung sumasalo sa akin that time.

“Bukod kasi sa incentives, nasa kanya [Angelica] rin yung bank account ko na pinapasukan ng monthly allowances sa pagdyi-gymnastics ko.”

Ayon pa kay Carlos, kung tutuusin ay hindi raw si Chloe ang dapat pag-isipan ng masama kundi ang sarili niyang ina na makailang beses daw nahuli ng atleta na nagwi-withdraw ng pera sa kanyang bank account nang walang pasabi sa kanya.

Dagdag niya, “Noong nakuha ko na po sa kanya [Angelica] yung bank accounts ko, doon ko po nalaman na inuubos niya po yung laman nun.

“Nasa akin po yung mga bank statements ng withdrawal po na ginagawa niya.”

Sa lahat daw ng sinabi ni Angelica sa kanyang interbyu, tila isa lang umano ang totoo.

Sabi ni Carlos: “Sabi rin po niya na nagsimula po yung hindi namin pagkakaintindihan dahil kay Chloe daw po.

“Opo, totoo po yon.

“Dahil unang-una pa lang, ayaw na niya kay Chloe kahit na hindi pa niya nakikita or nakikilala in person.

“Mas nagkalabuan po kami noong naglagay ako ng boundaries sa relationship ko kasi pinaglaban ko po si Chloe dahil gusto ko po siya, e.”

CARLOS ON ANGELICA blamING CHLOE For strained relationship with SON

Hindi raw maintindihan ni Carlos kung saan nanggagaling ang kanyang ina, lalo na nang sabihin nitong inilalayo siya ni Chloe sa pamilya nito.

Sa pagkakatanda raw ni Carlos, unang beses na maramdaman niyang may tampo ang ina sa kanya ay noong umuwi siya ng Pilipinas galing training sa ibang bansa at hindi siya umuwi sa kanila.

Nagpaalam naman daw siya noon kay Angelica na kay Chloe muna siya uuwi dahil may plano silang magbakasyon sa Baguio.

Lahad ni Carlos, “Sabi niya pa na feeling niya nilalayo ako ni Chloe sa kanila.

“Unang-una po nun, months before nun, kasi uuwi po ako nun, three days yon, sinabihan ko na sila na mag-i-spend time ako kay Chloe.

“Nagpunta kami sa Baguio, isinama ko si Chloe, nag-spend time kami.

“Nakikihalubilo naman kami, hindi naman ako nilalayo sa kanila ni Chloe.”

Simula raw noon ay pinagba-block na raw ng pamilya ni Carlos, sa pangunguna ng kanyang ina at dalawang nakababatang kapatid, si Chloe.

Sa huli, may mensaheng nais ipaabot si Carlos sa kanyang pamilya, lalung-lalo na sa ina.

Aniya, “May recent interview po kayo na kino-congratulate niyo po ako.

“Kung genuine po talaga kayo, Ma, maraming-maraming salamat po. Ina-acknowledge ko po yung pagko-congratulate niyo sa akin.”

ANGELICA YULO APOLOGIZES TO SON CARLOS

Kinabukasan, August 7, si Angelica naman ang nagpatawag ng presscon.

“Patawad, anak,” ang maluha-luha niyang paghingi ng tawad sa anak.

Narito ang full statement ni Angelica:

“Magandang umaga,

“Muli ako po si Mrs. Angelica Yulo, ang nanay ni Carlos Yulo. Ako po ay narito para ipahayag ang aking huling pananalita, hinggil sa girian namin sa aming pamilya, at nang panig ng anak ko kasama ang kanyang gf na si Ms. Chloe San Jose.

“Umabot na kasi ito sa nakaka-alarmang sitwasyon dahil buong sambayanan, alam na at nakaabang na sa mga susunod na salita ng bawat isa kung kailan dapat ang ganitong hindi pagkakaunawaan, naway nanatili lamang pribado at inayos sa personal na paraan.

“Hindi ako perpektong ina at alam ng Diyos na hindi ka din perpektong anak at walang perpektong pamilya.

“Walang ibang hangad ang isang ina kundi ang ikabubuti ng kanyang anak at sa bawat miyembro ng pamilya. Sa paraan mang marahas, maingay, sanay maunawaan mo na ang intensiyon ko ay malinis.

“Ako ay isang ina na nasaktan dahil ang mabait na anak na pinalaki ko ng maayos at mabuting tao ay hindi na nakikinig sa mga paggabay ng magulang. Kung mali na naging mapagpuna ako sa nobya mo, humihingi ako ng patawad, dahil nanay lang ako na nag-aalala.

“Matanda ka na, kaya mo nang magdesisyon para sa sarili mo. Bukas ang aming pintuan sa tahanan, may pera o wala, kung nanaisin mong bumalik sa amin.

“Hindi na pwedeng bawiin ang nasabi na. Ang amin lang, handa ako at ang papa mo mag-usap tayo ng bukas ang loob, na may pag-unawa anumang oras na handa ka, pag uwi mo upang maayos ito.

“Hindi kailangan ng ibang tao na malaman ang mga alitan dahil hindi nila alam ang buong kwento at hindi nila ito lubos na nauunawaan. Gayunpamamn, humihingi ako ng patawad sa iyo at sa sambayanan sa mga nasabi ko sa interbyu.

“Pagod at puyat ako sa kapapanood sa iyo nung mga panahon na yon, di makatulog sa tuwa kahit tapos na ang iyong laban. Hindi ako makapag-isip ng mabuti nung nirapido ako ng mga tanong ng mga reporter tungkol sa mga bagay na tayo na lamang ang nag-ayos.

“Patawad, anak.

“Naiintindihan ko na maaaring tingnan ng iba na kaya lamang ako nagsasalita ngayon ay dahil sa iyong tagumpay at kasaganaan. Ako ay nagsasalita para ilagay na sa katahimikan ang issue.

“Bukas ang pintuan para pag usapan ng personal na walang galit. Hindi man humantong sa pagkabuo ng pamilya naway, maipanatili natin ang respeto sa isat isa at sa dignidad ng pamilya.

“Kung hindi man tayo magkaayos, sana sa pagdating ng panahon, maunawaan ang laging aking panig, intensyon, at hindi ang ingay. Ang pamilya iisa lang yan, at laging anjan lang para sa isa’t isa, sa kabila ng aumang pagsubok o alitan. Itoy pilit nating unawain hanggang wala na tayo maisip kundi ang mag ayos…siguro.

“At sa sambayanan, sana ay ipagdiwang na lang natin ang tagumpay ng anak ko. Gumagawa ang anak ko ng kasaysayan para sa ating bansa. Lahat tayo ay magpapasalamat kay Caloy para sa karangalan, iuuwi para sa bayan.

“Sana pagkatapos ng panayam na ito, titigil na ang lahat at mananahimik na ang bawat partido. Ang mga sugat ay kusa namang maghihilom sa paglipas ng panahon. Pero pipilin naming humilom kami sa probado at mapayapang pamamaraan.

“Caloy, congratulations sa iyong tagumpay. Mahal kita, mahal ka naming lahat.”

Read: Carlos Yulo’s mother Angelica offers tearful apology to son

Marami pang mga kaganapan ang nangyayari mula noon na tila nagpalawig pa lalo ng sigalot sa pagitan ni Carlos at ng kanyang mga kaanak.