Tila unti-unti nang nagiging bukas sa publiko ang espesyal na relasyon nina Kyline Alcantara at Kobe Paras.

Matapos kasing nakita silang magkasama sa GMA Gala 2024 noong Sabado, July 20, 2024, ay muli silang na-spot-an na magkasama nitong Biyernes, July 26.

Sa video na kumakalat ngayon sa social media, makikita sina Kyline at Kobe na magka-holding hands habang naglalakad papasok sa isang establisyemento.

Kyline Alcantara spotted with Kobe Paras family

Kasunod nila ang ama ni Kobe na si Benjie Paras at ang nakatatanda nitong kapatid na si Andre Paras, kasama ang non-showbiz girlfriend nito, ang swimmer na si Honey Escarez.

Hindi matiyak kung saan kuha mismo ang video at kung bakit magkakasama ang mga ito.

Kyline Alcantara spotted with Kobe Paras family
Gayunpaman, marami sa tagahanga ni Kyline ang natuwa at kinilig dahil sa wakas anila ay ipinakilala na ni Kobe sa kanyang pamilya ang Kapuso actress.

Kyline Alcantara spotted with Kobe Paras family

KYLINE-KOBE DATING RUMORS

May 19, 2024, nagsimulang pag-usapan kung may namamagitan kina Kyline at Kobe.

Ito’y matapos mapansin ng mapanuring netizens ang pagkakahawig ng larawang ipinost nila sa kani-kanilang Instagram account.

Nag-post si Kyline sa Instagram ng mga larawang kuha niya, habang siya ay kumakain. Kabilang sa in-upload niya ang larawan ng mga chef sa loob sa isang kilalang restaurant sa Makati City.

Tanging smiling face with hearts emoji ang inilagay na caption dito ni Kyline.

Ang interior ng restaurant na kinainan niya ay nahahawig naman sa Instagram Stories na ipinost ni Kobe noong araw ring iyon.

Makikita rito ang picture ng nakatayong chefs sa kitchen area habang may dalawang wine glass at bulaklak sa lamesa.

Walang kahit na anong caption na inilagay si Kobe.

May 30 naman nang i-repost ni Kobe sa kanyang Instagram Story ang picture ni Kyline, kasunod ng pag-comment niya sa mga post ng Kapuso actress.

June 25, muling naaktuhan ang dalawa na magkasamang naglalakad sa isang lugar sa Bonifacio Global City (BGC) sa lungsod ng Taguig.

Ayon sa impormante ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), galing daw sina Kyline at Kobe sa isang bar sa BGC nang makunan sila ng video at picture.

KOBE FanBoys over kyline

Samantala, sa eksklusibong panayam ng PEP kay Kobe sa red carpet ng GMA Gala 2024, natanong siya tungkol sa tunay na estado nila ni Kyline.

Watch: Kobe Paras attends his first GMA Gala | PEP Interviews

Tanong ng PEP, bakit ang kapatid niyang si Kobe ang kasabay sa red carpet, at hindi ang sinumang ka-date niya?

“I got invited last minute, so I don’t know, sino ba ito?” pag-iwas niya.

Sa puntong ito ay diretsahan nang tinanong ng PEP si Kobe kung bakit hindi niya sinamahan si Kyline.

Sagot ng basketbolista, “fanboy” lang siya ng aktres sa gabing iyon.

“For tonight, I’m just a boy who is a fan.

“And, you know, I think this is her first time walking alone. So, you know, she deserves every spotlight.

“And I know tonight she’s gonna look amazing,” pahayag ni Kobe.

Ano nga ba ang nagustuhan niya kay Kyline.

“She’s very ambitious,” sagot ni Kobe.

“She is phenomenal with what she does. I get motivated seeing her do what she loves.”

Sa hiwalay na panayam ng GMA News Online sa parehong event, itinanggi ni Kobe na malalim na ang ugnayan nila ng Kapuso celebrity.

“Great friends” lang daw sila sa ngayon.

“We are great friends. Bakit girlfriend agad? Nagtanong na ba ako?” sagot ni Kobe sa tanong ng GMA News Online.