Itinanggi ng kilalang “King of Talk” na si Boy Abunda na wala siyang interes na imbitahan si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo para sa isang panayam. Sa gitna ng mga usapin at kontrobersiya na kinasasangkutan ng batang atleta, nilinaw ni Tito Boy na kabilang siya sa mga tao na nagnanais malaman ang buong katotohanan tungkol sa isyu ni Carlos.
Ayon kay Tito Boy, tulad ng karamihan, nais din niyang maunawaan ang tunay na kwento sa likod ng kontrobersiya. “Like everyone else, I wanna know the truth. It’s so hard to judge because the (information) is limited. The details that I know are not enough to issue a judgment,” pahayag ni Boy.
Ipinaliwanag niya na may limitasyon ang mga impormasyon na mayroon siya, kaya’t mas gugustuhin niyang maghintay hanggang maging malinaw ang buong kwento bago magbigay ng anumang pahayag o opinyon.
Bagamat nais ni Tito Boy na makapanayam si Carlos Yulo at ang ina nitong si Angelica Yulo, naniniwala siyang hindi pa ito ang tamang oras. Naniniwala siya na mas makabubuting hayaan muna ang mga partido na magkaroon ng katahimikan sa kasalukuyan. “I can only pray… I mean, totoo talaga na sana ngayon na maganda-ganda ang buhay, mag-usap. I don’t know, maybe, kailangan tumahimik muna and that’s one of the reasons na hangga’t maari ‘wag muna tayong dumagdag sa ingay,” dagdag pa ni Tito Boy.
Inamin din ni Boy Abunda na maaaring isipin ng iba na magiging bias siya sa isyu dahil kilala siyang maka-Nanay, lalo na’t napakalapit niya sa kanyang sariling ina. “People would say Boy is not interested because maka-Nanay, that’s not fair. Maka-Nanay naman ako, but napaka-personal yun and I will say it now, walang pwedeng gawin ang Nanay ko na ‘di ko mapapatawad. But that’s me and I will not impose that on anyone,” sabi ni Tito Boy.
Ipinaliwanag niya na bagama’t siya mismo ay maka-Nanay, hindi nangangahulugang magiging hindi patas siya sa isyu ni Carlos. Ang kanyang pananaw ay personal na karanasan niya sa kanyang ina, at hindi niya ito ipinipilit sa iba.