Gerald ayaw ‘makisali ‘sa isyu ng pamilya ni Julia at Dennis, pero…
AYAW makialam ni Gerald Anderson sa pinagdadaanang isyu sa pagitan ng pamilya ni Julia Barretto at Dennis Padilla.
Ang pahayag na ‘yan ay sinabi mismo ng aktor nang maging guest nina Janno Gibbs at Stanley Chi sa “The Men’s Room” ng One News PH.
Tinanong kasi bigla si Gerald ni Janno kung tinawagan na ba siya ng ama ni Julia.
Sey niya, “Kaso siyempre, more than me –kumbaga hindi naman ako kasama sa kung ano man ‘yung as a family, ‘diba? I think kay Tito Dennis dapat –I mean, ayaw ko naman mag-ano, pero mas importante kung ‘yung as a family.”
Sinabi rin ni Gerald na kahit may alitan ang dalawang panig ay wala siyang kinakampihan sa kanila.
“Ako naman, outside ano ako but I support both sides, kasi siyempre pamilya ‘yan. Again, hindi tayo pwedeng makisali diyan,” giit niya.
Ngunit umaasa raw si Gerald na balang araw ay magkakaayos din daw ang pamilya ni Julia at si Dennis.
Patuloy ng aktor, “Ako, just hoping because ako naman galing din ako sa –I mean, hindi naman sa broken family pero lahat ng pamilya may problema. Siyempre, nakikita ko naman…you just pray and hope na maaayos ‘yan behind the scenes.”
“So ‘yun ‘yung pinagdadasal natin lagi, pero dadating din tayo doon,” aniya pa.
Kung matatandaan, taong 2019 pa nang tinawagan ni Dennis si Gerald matapos pumutok ang kontrobersiya na kinasangkutan ng huli kasama si Julia.
Si Julia kasi ang tinutukoy na third party ng maraming netizens kaya naghiwalay si Gerald at ang aktres na si Bea Alonzo.
Pero ilang beses ding nanindigan si Julia na wala siyang kinalaman sa breakup ng dating magkarelasyon.
Dahil sa pamba-bash kay Julia, tinawagan ni Dennis si Gerald upang alamin ang totoong nangyari bilang isang concerned father.
“Si Sir Dennis, tumawag siya sa akin. Of course, he called me. I answered the phone. We had a good conversation. Tumawag siya kasi isa siyang concerned father. Anak niya ‘yun, e. Anak niya ‘yun,” kwento noon ni Gerald sa isang panayam.
Chika pa niya, “Siyempre, alam natin na grabe rin ‘yung bashing sa side nila. No one deserves that.”