Miss Denmark Victoria Kjær Theilvig waging Miss Universe 2024
Miss Denmark Victoria Kjær Theilvig waging Miss Universe 2024

WINNER si Victoria Kjær Theilvig ng Denmark sa katatapos lamang na Miss Universe 2024 pageant na ginanap sa Arena CDMX sa Mexico City.

Tinalo ni Miss Denmark ang 124 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang panig ng universe. Ipinasa sa kanya ang titulo at korona ni 2023 Miss Universe Sheynnis Palacios ng Nicaragua.

Si Victoria ang unang magsusuot ng “Lumière de l’Infini” o “Light of Infinity” crown na isang obra ng mga manggagawang Pinoy. Ang bonggang disenyo nito ay mula sa pambihirang South Sea Pearls mula sa karagatan ng Palawan.

Ang nasabing headpiece ay gawa ng Jewelmer, ang luxury jewelry brand mula sa Pilipinas na kilala sa buong mundo.  Ginamit nila diyan ang “cultured south sea pearls” na kung saan ang golden hue nito ang “rarest in the world.”

Ang farming process ng mga perlas ay umaabot ng apat hanggang limang taon na may 377 steps upang ma-sustain ang pag-produce nito.

Nabatid na ang nasabing brand ang gumawa ng “La Mer en Majeste” (Sea of Majesty) crown na ginagamit sa Miss Universe Philippines mula pa noong 2022.

Itinanghal naman bilang 1st runner-up si Miss Nigeria Chidimma Adetshina habang 2nd runner-up ang bet ng Mexico na si Maria Fernanda Beltran.

Ang 3rd runner-up ay si Miss Thailand Opal Suchata Chuangsri at 4th runner up si Miss Venezuela Ileana Marquez.

Nabigo ang pambato ng Pilipinas na si Chelsea Manalo na masungkit ang titulo at korona na umabot lamang hanggang sa Top 30 at nalaglag na agad sa Top 12.

Siya na sana ang ikalimang Pinay na kokoronahang Miss Universe, na una nang nasungkit ng apat na reyna na sina Gloria Diaz, Margie Moran, Pia Wurtzbach at Catriona Gray.

Denmark's Victoria Kjær Theilvig wins Miss Universe 2024

Ang mga hurado o miyembro ng selection committee ngayong taon sa Miss Universe 2024 ay sina Dubai-based Filipino designer Michael Cinco, women empowerment advocate Gabriela Gonzalez, art collector Gary Nader, Austrian entrepreneur Eva Cavalli, star builder Emilio Estefan, Miss Universe Canada 2020 Nova Stevens, Colombian actress Fariana, at celebrity dentist Camila Guiribitey.

Si Miss Universe 2018 Catriona Gray ang nagsisilbing commentator, habang nagbabalik ang international actor na si Mario Lopez as pageant host.

Bago pa man magsimula ang grand coronation night ay nagwagi na agad ang Pilipinas matapos itanghal na “Best Host Tour Country” during the preliminary show.

Sa lahat ng bansang binisita ng reigning queen na si Sheynnis Palacios, ibinigay ng Miss Universe Organization (MUO) sa Pilipinas ang titulong Best Host.

Tinanggap ni Miss Universe Philippines (MUPH) President Jonas Gaffud ang award sa national costume show at preliminary competition na ginanap sa Arena CDMX, Mexico City, Mexico kahapon (November 15, Manila time).