Barbie Forteza, nag-react sa pag-viral ng anti-selos ni Jak Roberto.
Tila napagod na si Barbie Forteza sa kasasagot na hindi talaga nagseselos ang boyfriend niyang si Jak Roberto sa love team nila ni David Licauco, ang BarDa.
Hindi naiwasang ito pa rin kasi ang naitatanong sa kanya sa mediacon ng bagong primetime series nila ni David, ang Maging Sino Ka Man, nung Huwebes, August 31, 2023.
“Ever since nag-pick ang BarDa, sumikat ang BarDa, it has always been a question kung nagseselos ba? Hindi nga! So, can we stop?” bulalas ni Barbie.
“Parang napapagod na ako sumagot. Hindi ko alam kung papano iba-ibahin yung wording para iba naman sa video na to, iba naman sa video na to.
“So, parang laging yun yung tanong. And wala nga at all.
“Siguro yung assurance na tinatanong nya sa akin sa set is, kung nakakain ba ako, kung hindi ba ako natutuyuan ng pawis. Yung ganun. Mas yung care.
“Yung selos, wala talaga, dyusko! Parehas kaming aktor. Alam na namin yan,” dagdag niyang pahayag.
Kaya nga bentang-benta yung “Anti-Selos Class” sa social media account ni Jak. Natawa si Barbie nang napag-usapan yang anti-selos na pakulo ng nobyo.
Kuwento ng aktres, “Pagka magkasama kami tapos nanonood siya ng TikTok, iyon yung laging lumalabas. Tapos tawang-tawa lang siya lagi.
“Tapos nung finally, naki-ride na siya dun sa trend, pagod na pagod siya. Kasi sayaw siya nang sayaw, di ba?
“Parang every time tumutugtog yung kanta, super dance siya.
“Nakakatuwa lang kasi, he took it lightly, di ba? Coming from kung saan talaga galing yung context nun. Kaya nakita talaga yung maturity from Jak kasi ganun niya tinake yung trend. HIndi niya sineryoso.
“In fact, ginamit pa nga niya to promote his show. It’s a very good strategy coming from him. Ang saya lang, kasi ang timely lang ng lahat.”
Magsisimula ang Maging Sino Ka Man nina Barbie at David sa GMA Telebabad September 11.
Ito ang papalit sa timeslot ng Voltes V: Legacy na magtatapos na sa September 8.
JERRY OLEA:
Sa pelikulang Maging Sino Ka Man (1991), pinasikat ni Robin Padilla ang linyang, “Nagkagusto na nga ako sa yo, e! Mahal na nga kita palagay ko. Maging sino ka man!”
Hindi pa raw nila nakunan ang eksenang yun, kaya curious kami kung paano naman bibitawan ni David ang linyang ito.
Inurirat ng PEP Troika ang BarDa loveteam, paano kung biglang nasabi ito ni David kay Barbie dahil sa magandang samahan nilang dalawa?
Maingat kaya si David na hindi siya ma-in love kay Barbie at hindi niya masabi ang sikat na linyang ito sa Maging Sino Ka Man? “Siyempre, first and foremost you have to respect the personal lives of Barbie and yeah… I mean siyempre ano, we’re good friends and so much respect for Jak. Hindi ko naman siya naiisip,” sagot ni David.
Sinusugan pa ito ni Barbie ng, “Kunwari ano, hindi na talaga mapigilan, ingat na ingat pero hindi na mapigilan, ‘Mahal na mahal na kita maging sino ka man.’ Ganun yung delivery dapat. Dapat may ganung follow-up, para hindi halata na ‘Ay, shucks, nasabi ko na, ba’t ganun!’”
Pero seryoso na si Barbie sa kasunod niyang pahayag na nagpasalamat siya sa lahat na sumusuporta sa BarDa loveteam nila ni David.
Sabi pa ng Kapuso Primetime Princess, “I also would like to share the credit of the success of BarDa kay David. Kasi, siya naman po talaga ang nagsimula ng Twitterserye sa Maria Clara at Ibarra.
“Siya naman po talaga ang nag-initiate nung Twitterserye na yun. Naki-ride lang ako. Tapos nagustuhan ng mga fans, kaya tumaas ang engagements namin sa Twitter.
“I’d like to share the success, of course, kay David, dahil grabe rin talaga yung hardwork and yung dedication niya to make us work, to make this partnership work na parehas kami nagbe-benefit and parehas kaming nag-gain ng friends sa isa’t isa throughout the process of working together.
“And sa industriyang ito, masasabi ko na napakalaking bagay kung makahanap ka ng kaibigan sa isang katrabahong matagal mong makakasama, kasi it’s kind of a cruel world.
“It’s not easy being in our shoes, so ang saya lang kasi we got each other’s back. And as for the fans, as much as grateful as we are for the support na binibigay nila sa amin na kahit hindi namin hiningi, ibinigay nila sa amin nang buong puso.
“Ahmmm… siyempre, sabi nga po ni Ms. Lea Salonga, we have to set our personal boundaries, because at the end of the day, tao po kami.
“So I guess David will agree with me, yung personal lives namin outside this partnership, outside this love team, are off limits.
“The people that make us happy, the people that love us, family, loved ones, off limits po yun. Opo. Hindi po yun kasama sa trabaho.”
Siyanga pala, hanggang Setyembre 14 pa ang Ghost Month. Sakop pa ng Ghost Month ang pilot episode ng Maging Sino Ka Man ng BarDa.
NOEL FERRER:
Bahagi rin si Jean Garcia sa bagong action-drama series na ito ng BarDa, at nakikita raw niya ang magandang chemistry nina Barbie at David.
Ani Jean, “Ang ganda nila sa screen together, napakaganda nilang tingnan. Hindi pilit.
“Yung emotions nandun, lumalabas yung kilig sa viewers, kasi napapalabas nila.”
Ang dami na niyang nakatrabahong love teams, na nagkatuluyan pa ang iba. Pero kakaiba itong kina Barbie at David, dahil pang-screen lang ang kanilang love team.
Kaya ang payo ni Jean sa BarDa, “Ang payo ko lang is, as long as happy kayo sa personal niyo, and happy kayo sa trabaho niyo, di ba? Wala kayong mapupuntahan kundi success, sa personal life at sa trabaho.
“Basta yung respeto niyo sa isa’t isa at yung friendship huwag mawala. Respeto, friendship at saka siguro space. At sana, naintindihan ng mga fans yun.
“Tama yun. May limit dapat palagi yung private life niyo at saka yung sa trabaho.
“At saka nakikita ko tong dalawang to, e, ano sila, normal. Hindi sila umaarte, ‘Uy, artista ako, Barbie Forteza ako, o David Licauco ako.’ Hindi.
“Pag magkakasama kami, maski nung pictorial, ang ano, trabaho lang talaga.
“Nandun yung friendship na pag nasa tent, nagkukuwentuhan, nagtsitsikahan na hindi naman kailangang matanggal yun. Pero huwag kayong papaapekto sa sasabihin ng ibang tao.
“Basta irespeto niyo yung love team nyong dalawa. Gawin niyo yung trabaho ninyo at pagkatapos nun, at pagkatapos nun, private life na, private life na.”