Sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo, isa sa mga personalidad na nagbigay ng kanyang opinyon ay ang social media influencer na si Diwata. Sa kanyang naging pahayag, nagbigay siya ng mensahe kay Carlos tungkol sa kahalagahan ng pagpapakumbaba sa mga magulang at kung paano dapat pahalagahan ang relasyon sa kanila.
Ibinahagi ni Diwata ang kanyang sariling karanasan tungkol sa pakikitungo sa kanyang magulang noong hindi pa siya nakakaluwag sa buhay. “Alam nyo, ah..masarap kasi talaga na maging masaya din ‘yung magulang natin,” ani Diwata. Inamin niya na noong wala pa siyang kakayahang magbigay ng suporta sa kanyang mga magulang, tanging awa at pag-unawa ang kaya niyang ialay. “Ako dati nung ah di pa naman ako nakakaluwag-luwag, naawa ako sa Nanay ko sa Tatay ko before. Pero hanggang doon na lang kasi wala akong ano, pang-support. Hanggang awa na lang, walang wala din naman ako.”
Dahil sa kanyang limitadong kakayahan noon, naiintindihan ni Diwata ang hirap ng hindi agad matulungan ang mga magulang. Ngunit ngayon, bilang isang taong may kakayahang magbigay ng suporta, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging mapagpakumbaba at pag-alalay sa magulang.
Sa kanyang pahayag, ipinunto ni Diwata na bilang isang anak, ang pagkakaroon ng kayamanan o tagumpay ay hindi sapat na dahilan upang ituring ang mga magulang na tila nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan. “Kung meron ka ng milyon tapos hindi naman pwede na yung magulang mo pa yung hihingi ng tawad sayo kung meron ka. Pero I respect your decision. Pero kung ako lang, magulang is magulang talaga. Ikaw talaga dapat ‘yung magpakumbaba para sa magulang mo,” saad ni Diwata.
Ipinapaalala ni Diwata na kahit ano pa man ang estado ng buhay o gaano kalayo ang narating ng isang tao, ang respeto sa magulang ay dapat laging nariyan. Para sa kanya, ang magulang ay laging magulang, at nararapat lamang na ang anak ang magpakumbaba at magbigay respeto sa kanila.