nesthy petecio family

Paris Olympics gold medalist Nesthy Petecio: “Ever since, para sa kanila ang mga ginagawa ko, para sa pamilya ko. Ang reward ko sa kanila, maliban sa medalya, sa mga premyo na nakukuha ko, isine-share ko sa kanila… Alam naman nila na para sa kanila ang lahat ng mga nakukuha ko. Hindi ko naman ipinagdadamot sa kanila.”
PHOTO/S: Nesthy Petecio Instagram
Muling magkakaroon ng hero’s welcome parade para kay Nesthy Petecio, ang bronze medalist sa women’s flyweight event sa Paris Olympics, sa Davao del Sur, ngayong Martes, Agosto 27, 2024.

Dalawang beses nang nagkaroon ng homecoming parade si Nesthy sa bayang sinilangan nito.

Hindi nakaligtas sa matalas na paningin ng publiko na kasama niya sa parada ang kanyang pamilya.

nesthy petecio homecoming parade in davao

Nesthy Petecio with her mother Prescilla Petecio (right) during the boxer’s homecoming parade in Davao del Sur last week. 
Photo/s: Screen grab from 24 Oras

Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, sinabi ni Nesthy na ang makasama ang kanyang pamilya sa homecoming parade ang itinuturing niyang most memorable moment.

Lahad ng Olympian, “Most memorable na nangyari talaga sa parade, kasama ko yung pamilya ko, most especially yung bunso namin, si Nejie.

“Bihira lang siyang lumabas o makipaghalubilo sa mga tao dahil special child po siya, may Down Syndrome.

“Kasama ko rin ang nanay ko, si Prescilla Alcayde Petecio.

“Hindi lang naman po ang nanay ko ang gusto kong makasama sa homecoming parade. Lahat sila, gusto kong isama, kung puwede sana. Lahat sila, nakadikit sa akin.

“Pero alam din naman nila yung, kumbaga, kung moment ko, moment ko. Kung gusto ko na nandoon sila, nandoon sila.

“So, marunong po rin silang umintindi at mag-adjust.

“Yun po ang pinaka-memorable, yung kumpleto kami.”

FAMILY FIRST FOR NESTHY PETECIO

May advocacy ka ba para sa kapatid mo na may Down Syndrome?

Ayon kay Nesthy, “So far, wala pa ako naiisip na advocacy kasi mas busy ako sa pag-iisip ng the best na negosyo. The best na investment para sa pamilya ko.

“Hindi naman po mawawala ang concern ko sa kapatid ko na may Down Syndrome. Lahat kami ng mga kapatid ko, siya talaga ang iniisip, maliban sa magulang namin.”

nesthy petecio sibling

Nesthy Petecio and Nejie 
Photo/s: Nesthy Petecio Instagram

Ang kapakanan ng pamilya ang mahalaga para kay Nesthy kaya may ibinigay rin siyang pabuya sa mga kamag-anak mula sa mga premyong natanggap niya mula sa kanyang tagumpay sa Paris Olympics

“Ever since, para sa kanila ang mga ginagawa ko, para sa pamilya ko.

“Ang reward ko sa kanila, maliban sa medalya, sa mga premyo na nakukuha ko, isine-share ko sa kanila,” masayang lahad ni Nesthy.

“Simple lang ang reward ko, maging kumpleto kami.

“Alam naman nila na para sa kanila ang lahat ng mga nakukuha ko. Hindi ko naman ipinagdadamot sa kanila.”

Ano ang mga balak mong gawin sa mga pabuyang natanggap mo mula sa pamahalaan at iba’t ibang organisasyon?

Saad ni Nesthy, “Nag-invest talaga ako sa lupa. Yun ang target ko palagi.

“May plano rin akong magnegosyo pero pagpaplanuhan muna kasi, kumbaga, kailangan magdesisyon nang maayos.

“Mahirap magdesisyon at maglabas ng pera na hindi talaga napagplanuhan.”

Hindi rin nakalilimot magdasal at magpasalamat sa Panginoong Diyos si Nesthy dahil sa mga biyaya Nitong ipinagkakaloob sa kanya.

“Ang palagi ko lang hiling sa Diyos, i-guide niya ako palagi sa lahat ng mga desisyon ko. Palagi Niya akong protektahan especially yung pamilya ko.

“Kung ibe-bless ako ni Lord, i-bless din Niya ang pamilya ko, ang mga kapatid ko at ang mga tao na mahalaga sa akin.”

Ano ang mensahe mo para sa lahat ng mga sumusuporta sa iyo?

“Sa lahat ng mga tagasuporta ko, sobrang nagpapasalamat talaga ako sa mga ipinapakita ninyong suporta sa akin.

“Manalo o matalo, grabe yung suporta ninyo. Sa mga dasal ninyo, maraming-maraming salamat.

“Suportahan pa po ninyo ako. I-push na natin ito hanggang LA Olympics kung meron man [boxing competition],” saad ni Nesthy.