– Nausisa ni Ogie Diaz ang alkaldeng napapabalitang nanliligaw kay Kathryn Bernardo

– Isa lamang ang mayor na ito sa Quezon sa mga sinasabing nais magpatibok muli ng puso ni Kathryn

– Minsan na umano itong nakapanayam ni Ogie kaya naman nagawa niya itong kumustahin

Sinubukan umanong tanungin ni Ogie Diaz si Lucena City mayor Mark Alcala tungkol sa napapabalitang panliligaw umano nito kay Kathryn Bernardo.

Ogie Diaz, nausisa ang Mayor na umano'y nanliligaw kay Kathryn Bernardo

Ogie Diaz, nausisa ang Mayor na umano’y nanliligaw kay Kathryn Bernardo (Mark Don Victor Alcala) Source: Facebook

Maugong ang umano’y panunuyo ng alkalde kay Kathryn kaya minabuti ni Ogie na usisain ito upang malaman ang katotohanan.

“‘Nung una, sabi ko mayor! dedma ha… So sumagot na, ‘sorry tito medyo busy. SOCA ako tomorrow. Tapos tinanong ko na. Gusto ko lamang malaman, kung nanliligaw siya kay Kathryn. Hindi siya sumagot. So sabi ko, ‘so true nga na nanliligaw ka mayor kay Kathryn? Hindi pa rin sumagot.”

Dahil dito, hindi masabi ni Ogie kung ang hindi pagsagot ng alkalde ay nangangahulugang ‘oo’ o totoong nanliligaw ito. Dahil kung sakaling inamin daw nito, at nakiusap na huwag na munang isapubliko, hindi naman daw nila ito ibubunyag.

Gayundin kung ang naging sagot ni Mayor Mark ay ‘hindi’ na umano’y mas madaling sabihin kung walang katotohanan.

“Siguro hindi pa siya handang sagutin ito,” giit naman ni Ogie. Gayunpaman, sinabi rin ni Ogie na antabayanan na lamang kung totoo o hindi na pumoporma nga ang alkalde kay Kathryn Bernardo.

Narito ang kabuuan ng kanilang talakayan mula sa Ogie Diaz Showbiz Update YouTube:

Si Kathryn Bernardo ay isa sa mga sikat na aktres sa Pilipinas na unang nakilala sa mundo ng showbiz nang gumanap siya bilang ang batang Cielo sa Kapamilya teleseryeng “It Might Be You”. Kinalaunan ay naipareha siya kay Daniel Padilla at nakilala ang kanilang tambalan bilang “KathNiel.”

Samantala, minsan nang nabanggit ni Ogie Diaz ang nalaman umano niya sa kanyang source na tuloy na ang part 2 ng Hello Love Goodbye na ang lokasyon naman ay sa Canada. Kalaunan ay kinumpirma na ito at may title na “Hello Love Again.” Katunayan, nasa Canada na ang produksyon ng nasabing pelikula na inaasahang ipalalabas sa Nobyembre 2024.

Matatandaang ang Hello Love Goodbye nina Alden Richards at Kathryn Bernardo ay minsan nang naging highest grossing film sa bansa bago pa man ito masungkit ng ‘Rewind’ nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Naging pambato sa Metro Manila Film Festival noong 2023.