Ayon sa source ni Ogie Diaz mula sa kampo ni Kathryn Bernardo, nanliligaw si Alden Richards sa aktres.

Sunod-sunod ang sightings kamakailan ng Hello, Love, Goodbye love team na sina Alden Richards at Kathryn Bernardo.

Nagkaroon ng reunion ang dalawa nang dumalo ang Kapuso star sa 28th birthday celebration ng Kapamilya star sa El Nido, Palawan kasama ang iba pa nilang co-stars sa pelikula na sina Lovely Abella, Maymay Entrata, at Kakai Bautista.

Present din si Alden sa post-birthday celebration ni Kathryn at may dalang bulaklak at regalo pa para sa aktres.

Lalong kinakiligan ang dalawa nang dumating din si Alden sa housewarming party ni Kathryn. Sa mga lumabas na larawan mula sa private event, makikita na tila laging magkasama ang dalawa.

Ayon sa source ni Ogie Diaz na mula sa kampo ni Kathryn, nanliligaw na raw si Alden sa aktres.

“Makikita naman daw ‘yan sa kanilang body language,” ani Ogie sa latest video niya sa kanyang YouTube channel na Ogie Diaz Showbiz Update.

Ayon pa sa veteran entertainment reporter at talent manager, gustong-gusto raw si Alden ng pamilya ni Kathryn.

“Lalo na kay Mommy Min (mommy ni Kathryn), si Alden ay negosyante, si Alden ay financially stable, responsable.”

Dagdag pa ni Ogie, “Natutuwa at naaaliw kay Alden ang pamilya ni Kathryn dahil ang gusto nila sa isang lalaki, pino-possess ni Alden.”

Samantala, nanliligaw rin daw kay Kathryn si Jericho Rosales na nali-link din sa aktres.

Pero kung botohan ang pag-uusapan, lamang daw si Alden sa pamilya ni Kathryn, ayon sa source ni Ogie.