Aminado ang actor-director na si Coco Martin na hindi madali ang mga pinagdaanan niya sa buhay bago niya narating ang mga bagay na mayroon siya sa kasalukuyan.
Ang mga karanasan daw niya ang nagpatibay sa kanya upang maging mas matapang at magpursiging abutin ang mga pangarap niya.
Matapos ang longest-running teleserye sa Philippine television na FPJ’s Ang Probinsyano, muling bibida si Coco sa panibagong adaptation ng dating blockbuster film ng yumaong King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr., ang Batang Quiapo.
Makakasama niya rito sina Charo Santos-Concio at ang anak ni FPJ na si Lovi Poe.
Katulad sa FPJ’s Ang Probinsyano, malaki ang tungkuling nakaatang kay Coco dahil bukod sa pagiging bida ay isa rin siya sa mga sumulat ng kuwento at direktor ng teleserye.
Sa layo na ng kanyang naabot, hindi napigilang magbalik-tanaw ni Coco kung paano siya nagsimula.
Kuwento niya sa grand mediacon ng FPJ’s Batang Quiapo nitong Martes, February 7, 2023, sa ABS-CBN Studio 10, noong una ay hindi naman niya talaga pinangarap maging artista.
Masaya na raw siya noong rumaraket bilang extra sa mga pelikula at kumikita ng sasapat sa gastusin ng kanyang pamilya.
Pagbabahagi niya, “Sabi ko, sa buhay ko noong nag-aartista ako, sabi ko nga, hindi ko naman pinangarap maging artista.
“Siguro sa pakikipagsapalaran sa kahirapan ng buhay noong nakakita ako ng oportunidad na dito ako kikita, sinamantala ko yung pagkakataon.
“Hindi ko talaga siya tinitignan na parang gusto ko talagang maging artista, basta ang tingin ko dati raket lang ito, basta kikita ako, titirahin ko iyan.”
ACTING, LOVING IT, AND DREAMING TO BE DIRECTOR
Hindi raw niya akalaing mapapamahal siya sa propesyon ng pag-arte at magbubukas ito ng isa pang oportunidad para maging isa siyang direktor.
Saad niya, “Noong nakita ko na hindi na siya raket, noong napamahal na sa akin yung trabaho ko, nakita ko na parang may oportunidad pala na maging totoo siyang hanapbuhay.
“Kaya pinahalagahan ko siya at talagang nakinig ako, inaral ko kung paano talaga maging propesyon itong bagay na ito.
“Yung pagiging direktor, siguro sa pagiging interes ko sa mundong ginagalawan ko o sa industriyang ito hindi ko namamalayan na yung mga panahon na nagsisimula ako.”
Malaki rin ang kanyang pasasalamat sa mga tao sa likod ng kamera na inimpluwensiya siyang pasukin ang mundo ng pagdidirek.
Sabi ni Coco, “Hindi kasi ako yung tipo ng artista na nakatambay sa tent at makikipagkuwentuhan sa mga kapwa artista ko.
“Mahilig ako na nasa labas, ang kakuwentuhan ko yung mga staff at cameraman, tapos lagi akong nakikinig kung paano nagbibigay instruction yung direktor, pati yung mga writers kung paano nila binubuo yung script at yung kuwento.
“Hindi ko namamalayan na nakakapag-aral na pala ako noon [nang] dahan-dahan.
“Kaya dumating yung point na nag-aartista ako, sabi ko sa sarili ko, siyempre kapag artista ka, isa sa mga pangarap mo na sana balang-araw maging direktor ka.”
Itinuturing na malaking responsibilidad ni Coco ang pagdidirek.
Aminado siyang mahirap ang estado ng kanyang career sa ngayon kung saan siya ang gumaganap na artista at direktor.
Saad niya, “Ang pinakamali ko sa buhay ko noong pinasok ko na yung pagdidirek.
“Napakahirap pala niyang responsibilidad, hindi siya ganun na makakapagdirek ka, ayon na yun, pero hindi.
“Sabi nga nila, ikaw yung kapitan ng barko, kapag nagkamali yan, kung ano man ang mangyari, ikaw at ikaw ang may kasalanan diyan.
“Ngayon, ang problema ko sa sitwasyon ko ngayon, nahahati ako, dahil ako yung artista, ako yung nag-iisip ng kuwento.
“Minsan ako rin yung nagsusulat, ako rin yung nagdidirek, tapos ako rin yung nagla-line prod nitong production na ito [Batang Quiapo].
“Kaya ang nangyayari, magkakalaban siya. Ang pagiging creative at saka producer, number one na magkalaban yan.
“Kasi mag-iisip ka ng kuwento para palakihin pero ikaw rin yung magpipigil sa sarili mo para paliitin.
“Kaya ang hirap-hirap ng sitwasyon.”
Dagdag pa ni Coco, “Siguro sa awa ng Diyos at sa pagmamahal ko sa trabahong ginagawa ko ngayon, nakakaya naman po.”
ENVYING KOREAN TELENOVELAS
Ayon kay Coco, isa sa kinaiingitan niya ngayon ay ang pagtangkilik ng maraming Pilipino sa mga Korean telenovelas kaysa sa pelikulang gawang Pinoy.
Ito raw ang dahilan kaya’t pinipilit niyang lumikha ng mga obra na magpapatunay sa galing na kayang ipakita ng kapwa niya Filipino artists.
Saad ni Coco, “Pinipilit na kayanin at talagang kasi ang goal ko ano, e, naiinggit ako, honestly, sa mga Korean telenovelas na lumalabas ngayon
“Sobra siyang naa-appreciate ng mga Pilipino, na para sa akin sinasabi ko na kayang-kaya rin nating gawin yan na mga Pilipino.
“Kasi alam ko na napakahusay talaga natin at napaka-talented naman natin.”
Naniniwala si Coco na ang nagagawa ng mga Korean stars at Hollywood actors ay kaya rin namang gawin ng mga Pilipino kung bibigyan lang sila ng pagkakataon at sapat na pondo.
Aniya, “Ang kailangan lang talaga natin may taong magtitiwala na bigyan tayo ng pondo, tamang oras, kasi yung talento na sa atin, e.
“Para sa akin, ang mga Pilipino ang isa sa mga mahuhusay na artista sa buong mundo.
“Ang mga direktor, writer, lahat napakahuhusay, hindi lang tayo nabibigyan ng oportunidad at nasusuportahan.
“Kaya noong ginagawa ko yung Ang Probinsyano at ngayon na Batang Quiapo, sabi ko, kung ano yung masasagad ko, kung ano yung nakikita kong best para sa project na ito, hindi na ako nagho-hold back.
“Ginagawa ko, sinasagad ko na kasi nangangarap ako na sana mapansin din tayo kagaya ng mga indie films natin na napapansin sa abroad.
“Kahit maliit yung budget, nilalaban tayo sa malalaking film festival at tayo pa yung nananalo.”
Sa huli, umaasa si Coco na ang FPJ’s Batang Quiapo ang maging daan para mapansin ang galing ng mga Pilipino sa buong mundo.
Sabi niya, “Sana itong Batang Quiapo at yung iba pang shows sa ABS-CBN, at maging sa ibang network, sana this time, sa taong ito tayo naman ang mapansin ng ibang bansa.”