Coco Martin inaming ‘ninenerbyos’ sa pagpasok ni Julia Montes sa ‘Probinsyano’

“Hindi ako puwede magkamali this time.”

Ito ang natatawang saad ng aktor na si Coco Martin nang tanungin tungkol sa nararamdaman sa pagpasok ni Julia Montes sa long-running primetime series na “Ang Probinsyano.”

Sa panayam ng dalawa sa Dreamscape Entertainment, inamin ng aktor na hindi siya makatulog dahil sa tensyon na nararamdaman sa muling pagsasama nila ni Montes sa isang proyekto.

“Ako ’yung di nakatulog. Ako ’yung tensyonado kasi makakasama ko siya. Hindi ako pwede magkamali this time. Dito pa ba ko sasablay?” tugon ni Martin na bida sa seryeng umabot na sa ikaanim na taon.

“Ako ’yung natataranta. Ako ’yung ninenerbyos. Ewan ko bakit ko pinasok ’to?”


Paliwanag ni Martin, aksyon ang gagawin ni Montes sa teleserye kaya naman kailangan niyang turuan maigi ang aktres mula sa paghawak ng baril hanggang sa pagmomotor.

Nang tanungin kung magkakaroon ba sila ng love affair ng karakter ni Montes sa palabas, tila nagpahaging na ang aktor na maaaring hindi ito mangyari dahil gusto nilang sorpresahin ang mga manonood.

“Hindi namin ibibigay ’yung ine-expect ng manonood kasi kami lagi naming pinaghahandaan kung ano ’yung bagong ihahain sa mga bagong viewers natin,” sagot ni Martin na gumaganap bilang si Cardo Dalisay sa serye.

Sinisigurado rin ng aktor na siya ring direktor ng palabas na may bago pa silang maihahain sa publiko sa kabila ng 6 taong pag-ere.

Aniya, nakakaramdam pa rin siya ng excitement sa paggawa ng episodes ng “Ang Probinsyano” lalo na’t may bagong cast muli ang serye.

“Kasi hanggang ngayon excited pa ko. Di ako nakakaramdam ng pagod. Lagi akong ganado. Lagi akong nae-excite. May bagong cast. Ang laki ng tatakbuhin ng kwento. Para akong gumagawa ng bagong show,” saad nito.

May kaunting pressure naman na nararamdaman si Montes sa bagong proyekto dahil alam umano niya ang dedikasyon ng bumubuo rito.

“May pressure. More of ma-meet ’yung expectations niya at ng lahat ng team kasi lahat talaga dedicated,” pahayag ng aktres. “Blessed lang talaga and honored. Hindi siya aabot ng 6 years kung di ibinigay ng lahat puso nila.”

Unang nagkasama sina Martin at Montes sa seryeng “Walang Hanggan” noong 2012. Huli silang nagkatrabaho noong 2015 sa “Wansapanataym’s Yamishita’s Treasures.”

Matagal nang usap-usapan ang umano’y relasyon ng dalawa ngunit hindi pa diretsong inaamin ng mga ito ang tunay na estado nila.

Related Posts

Our Privacy policy

https://dailynewsaz.com - © 2025 News