abante--coco

Sinalubong ng libo-libong tao si Coco Martin, kasama ang ibang cast ng “FPJ’s Batang Quiapo,” sa Panagbenga Kapamilya Karavan sa Baguio City kamakailan.

Nakipagrakrakan si Coco sa mga tagahanga na nagtipon sa paligid ng Burnham Park nang kantahin niya ang “Beep Beep” ng Juan De La Cruz band, suot ang signature nitong porma na leather jacket at shades.

Kasama nga niya sina Smugglaz, Bassilyo, Norvin at Lovely Dela Pena, Ghost Wrecker, Ryan Martin, Jojit Lorenzo, Ronwaldo Martin, Sugar Ray Mammoth, Bigmak, Baby Giant, at Sen. Lito Lapid na nagpasaya sa mga tao sa kanilang nakakatuwang mga sorpresa.

Umawit din para sa mga manonood ang dalawang ABS-CBN Star Music artist na sina Carlo Bautista and Trisha Denise bago ang pangunahing event sa programa.

Ang “FPJ’s Batang Quiapo,” sa pangunguna ni Coco bilang “Tanggol” at Lovi Poe bilang “Mokang,” ay umere noong Pebrero 13. Maganda ang naging pagtanggap ng mga manonood sa serye dahil nakakuha ito ng 44 milyong views sa unang linggo ng pagpapalabas.

Panoorin ang mga maaksyong eksena ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, TFC IPTV, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.

Ang Panagbenga Kapamilya Karavan ay pangatlo pa lamang sa mga aabangang caravan ngayong taon na naging posible sa pagsisikap ng ABS-CBN Regional, ABS-CBN Events, Kapamilya Channel Regional, MOR, at A2Z Regional. (Dondon Sermino)