Nahingan na umano ng pahayag ang manager ni Kapamilya star-content creator Ivana Alawi tungkol sa mga kumakalat na tsikang tsutsugihin na siya sa kinabibilangang action-drama series na “FPJ’s Batang Quiapo” dahil sa kaniyang “attitude” at hindi pagpansin sa iba pang mga katrabaho kapag nasa set.
Kumalat kasi sa social media ang isang screenshot kung saan mula mismo sa personal assistant daw ni Ivana nagmula ang kumpirmasyong nag-last taping day na si Ivana sa serye. Ang mga nabanggit na dahilan nga raw ay hindi mapakiusapan ang aktres na mag-extend sa taping at hindi raw kumakausap ng ibang tao, maliban sa direktor na si Coco Martin.
Bagay na nasusugan naman sa isang episode ng “Cristy Ferminute” kung saan natalakay ang tungkol sa kumakalat na tsika sa pagiging “Ate Chona” umano ng aktres.
Galing na mismo kay Coco: Batang Quiapo, wala talagang kuwento
Kaya rin naglabas ng isang teaser kung saan makikita ang isanng “Black Rider” girl na ang hula ng mga netizen ay si dating Kapuso actress Kim Domingo.
Sa programa sa Teleradyo Serbisyo ni DJ Jhai Ho na “Showbiz Sidelines,” sinabi niyang personal niyang nakausap ang talent manager ni Ivana na Perry Lansigan upang bigyang-linaw ang isyung ito.
Nilinaw ni Lansigan na ang totoo raw niyan, tatlong buwan lang daw talaga si Ivana sa nabanggit na serye matapos nga ang pamamaalam dito ni Lovi Poe matapos ikasal. Kaya lang, dahil pumatok sa masa ang tambalang Tanggol at Bubbles ay na-extend pa siya nang na-extend.
Pero sa kasalukuyan daw ay hindi na talaga kakayanin ng schedule ni Ivana ang prior commitments at taping sa Batang Quiapo.
“From the very start na ininquire si Ivana Alawi ng Batang Quiapo, three months lang talaga dapat ang pag-stay sa nasabing teleserye. Three months ang kanilang napagkasunduan. Umokay si Ivana. Ito ‘yong time at kasagsagan na ikinasal daw si Lovi Poe. Pero dahil nag-click ang tambalan ni Bubbles at Tanggol, na-extend. Nadagdagan pa ng maraming taping, at ang three months ay na-extend nang na-extend nang na-extend. Hanggang sa hindi na po kinaya ng schedule bilang meron din pong mga prior commitments si Ivana na naoohan ng kaniyang management. May mga shoot, vlogs, etc. Hindi na kakayanin talaga ni Ivana,” ani DJ Jhai Ho.
Paglilinaw pa ng manager, marami na rin silang prior commitments na talagang nag-adjust para magawa ang taping para sa Batang Quiapo.
Pinabulaanan din ng manager na tapos na ang taping day ni Ivana, dahil habang isinusulat ang artikulong ito, ay may taping pa raw ang alaga hanggang Biyernes, Hulyo 12.
Hindi rin daw totoo na nag-aattitude si Ivana, kagaya ng nakasaad sa mga kumakalat na tsika.