Daniel Padilla, Kathryn Bernardo spotted together

Nagbubunyi ngayon ang fans nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo dahil sa wakas ay nasilayan na nila ang dalawa na magkasama.

Ito’y matapos kumalat ang balitang nagwakas na umano ang relasyon nina Daniel at Kathryn nang mapag-usapan ito sa vlog sa YouTube ni Ogie Diaz noong November 8, 2023.

Nadawit pa rito ang pangalan ni Andrea Brillantes, na ayon kay Ogie ay nali-link kay Daniel at pasikreto pa umanong nagkikita ang dalawa.

Nitong Martes, November 14, tila binasag na nina Daniel at Kathryn ang hinala sa kanilang relasyon nang maispatan silang magkasama sa event ng isang luxury watch brand.

Daniel Padilla, Kathryn Bernardo

Mismong si Kathryn pa ang nag-repost sa kanyang Instagram Stories ng ilang litrato nila ni Daniel kasama ang ilang kaibigan.

Bukod sa dalawa, makikita rin sa mga litrato ang mag-asawang Maja Salvador at Rambo Nuñez, fashion stylist na si Pam Quiñones, at fashion editor Danyl Geneciran.

Daniel Padilla, Kathryn Bernardo

Pinag-usapan din sa X (dating Twitter) ang mga video na kuha sa after-party kung saan makikita sina Daniel at Kathryn na magkasamang sumasayaw sa dance floor.

Hindi kaila na ikinatuwa ito ng kanilang fans.

Tweet ng isang netizen (published as is), “KATHNIEL ALWAYS BEATING THE BREAK UP ALLEGATIONS.”

 

Saad ng isa, “KathNiel; The Unbreakable.”

Sabi pa ng isa, “Grabe kayo, KathNiel! Palibhasa kasi, alam na alam kung paano kami kunin, e! Isang update, isang piksyur, isang bidyo. Wala! Umiikot na ulit ang mundo namin!”

May isang anggulo pa sa video na makikitang hinalikan ni Daniel ang kamay ni Kathryn na mas lalong nagpakilig sa kanilang fans.

Daniel shows support to Kathryn

Noong November 10, pasimple nang pinabulaanan ni Daniel ang kumakalat na espekulasyon sa kanila ni Kathryn nang ibahagi niya sa kanyang Instagram Story ang video ng nobya sa Preview—kung saan ang aktres ang online cover ngayong buwan.

Sa video na in-upload ng Preview sa Instagram, makikita si Kathryn na inaayusan.

Makikita ring ni-like ito ni Daniel bago niya ilagay sa kanyang Instagram Story.

Dito ay nilagyan niya ng animated photo ng pusa, na katunog sa palayaw ni Kathryn na “Kath.”

OGIE DIAZ DENIES starting KathNiel breakup rumorS INVOLVING ANDREA

Noong November 12 naman ay ipinagtanggol ni Ogie ang sarili sa mga patuloy na bumabatikos at tumatawag sa kanyang “fake news peddler.”

Sa kanyang vlog, ipinaliwanag niyang hindi sa kanya unang nanggaling ang tsismis.

Galing daw ito sa isang source na ayaw magpapangalan.

Malinaw rin daw na sinabi niya noong hindi pa kumpirmado ang tsismis na hiwalay na ang dalawang Kapamilya stars kaya hindi niya malaman kung bakit siya bina-bash ngayon.

Diin ni Ogie, “Ang kinakalat namin ay sana hindi totoo at laging may ‘hindi pa ito confirmed.’

“Ito naman, yung issue dito [sa KathNiel], ayan yung mga kumakalat at bali-balita. Hindi naman sa akin unang nagsimula yan.

“May mga pagkakataon na sa more than three decades ko rito sa industriya, mayroon na akong ‘source kita, sabi mo i-quote kita. Nung kinowt kita, ang nakakaloka dinenay mo.’

“Kaya kung pipilitin niyo kaming ilabas yung resibo, e, siyempre ipapaalam muna namin sa source yon.”