Nagpakatotoo sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo tungkol sa mga pagkakataong nagkakainisan sila at gusto nilang mapag-isa.
Kakagaling lang ng couple sa lock-in taping ng 2 Good 2 Be True, at naging kumportable silang ikuwento ang aspetong ito ng kanilang relasyon.
Nang kapanayamin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), inilarawan nila ang recent experiences nila na araw-araw magkasama sa set.
“Ako, ito matagal ko na alam, pero napapatunayan ko lalo sa lock-in. Pag si Deej, kailangan namin parati tantyahin yung mood ng isa’t isa especially sa umaga.
“Kunwari, first scene bumubuwelo pa. Kailangan niyo intindihin yung isa’t isa kasi walang iba makakaintindi. So, kailangan may isang mag-a-adjust.
“Kung nakikita mo masama yung gising or ako yung masama yung gising, siya yung magba-balance. Alam mo yung kailangan mo nun.
“Kasi kung pareho kami masama gising, boom! Wala. Walang makukunan for that day,” napapangiting pag-amin ni Kathryn.
Dagdag ng dalaga, “So kailangan matuto. Hindi joke yung lock-in, ha? Nakakabaliw siya mentally and napaka-draining.”
Ayon kay Daniel, hindi maiwasang may mood swings siya dahil sa adjustment sa taping bubble.
“Everything that’s routine, you’d go crazy. Paulit-ulit na lang. You get tired, every time, every day, it’s the same thing. Parang nakakapagod yung ganun. Ganun sa lock-in.”
Sabay paglilinaw din niya, “Pero it’s okay, nasa safety din ng lahat iyon. Mas mabuti rin mas marami kayong natatapos, and ABS-CBN provides us with a beautiful hotel. Lahat binibigay sa amin.
“We have fun, kasi yung mga kasama namin sa taping nagiging close na rin namin.
“Pero going back to the question, totoo yung sinabi ni Kathryn. Pa-psycho na yung mood swings ko minsan, e.
“Kasi, siyempre now you’re happy, then the next scene you’re sad, then happy ka ulit, the next scene mag-break down ka naman. It gets to you.
“Kaya minsan kailangan mo rin ng, ‘Okay, Bal, usog-usog muna tayong dalawa.
“Minsan may clash kami. Pareho kami. So alam na namin. Magbigay muna tayo ng space sa isa’t isa. Can you imagine?”
Ang tinutukoy ni Daniel na “Bal” ay term of endearment nila sa isa’t isa.
Ipinunto pa ng Kapamilya actor na hindi naman talaga kailangan palagi magkausap o magkadikit ang isang couple.
Aniya, “Yeah, kaya, di ba, umaabot ng ganito yung relasyon namin? It’s not fun and games every day, na smiling kami. Nag-aaway din kami, ha?”
Sang-ayon ni Kathryn, “Sa lock-in…”
Patuloy ni Daniel, “Yeah, pati sa lock-in kasi nakakapagod din. Unlike pag sa bahay, ‘Okay, Bal, uwi muna ako.’ I have my space.
“Ito, every day magkikita kami. Di naman masama. Pero siyempre ibang usapan pag may kasamang trabaho, e.
“Kapag may kasamang mentally drained ka, emotionally drained ka, physically drained ka na.
“Kahit si Kathryn di ko rin siya ina-ano kapag alam kong bad mood siya. Gets ko rin naman iyon.
“Kasama lahat iyon. Isang magandang rekados ng isang relationship. Hindi puwede yung isang rekado lang, yun na yun, masaya na.
“Walang lalim yun. Wala kayo matutunan sa isa’t isa.”
Lahad pa ni Kathryn, ganoon nila kagamay ni Daniel ang isa’t isa sa loob ng sampung taon nilang magkarelasyon at labing-isang taon bilang love team.
“Dagdag ko lang sa pag-adjust sa isa’t isa. Very important yung sinabi mo na communication.
“Kasi kunyari bad trip ako ng araw na iyon, sino pa ba kakausapin ko to make me feel good or para gumaan yung pakiramdam ko? Si DJ.
“So pag kailangan naman niya ako, andun ka.
“Iba yung feeling na meron kang taong makakausap, matatakbuhan na hindi ka idya- judge. Ilalagay ka ulit sa place na, ‘You’re okay. Bukas okay na iyan lahat.’
“Kasi andalas ng…hindi naman away, pero yung pagod kasi ibang level, so kailangan alalayan yung isa’t isa.
“Suwerte namin na magkasama kami.”
11 YEARS OF KATHNIEL: THEN-AND-NOW REFLECTIONS
Sina Kathryn at Daniel, sa tulong ng kanilang mga ina, ay nag-organisa ng intimate gathering para sa KathNiel fans na matagal nilang hindi nakapiling dahil sa nakalipas na dalawang taong pandemya.
Ginanap ang okasyon sa Microtel Wyndham Hotel sa U.P. Technohub sa Quezon City noong September 26, 2022.
Sobra ang pasasalamat nila na mula Growing Up (2011) days nila hanggang sa kasalukuyang umeere ang 2 Good 2 Be True (2022) ay sinamahan sila ng fans sa kanilang journey bilang enduring love team.
Tanong ng PEP.ph, ano ang pagbabagong napansin nila sa isa’t isa?
Kuwento ni Kathryn, “Yung nakita kong difference kay Deej, dati super chill niya. Parang wala lang, kung ano mangyari, okay lang.
“Ngayon, habang tumatagal, nakikita ko sobra pala niyang perfectionist, O.C., sa lahat ng bagay. Pagdating sa ilaw, pagdating sa trabaho, kailangan perfect lahat. Mas perfectionist pa siya kaysa sa akin.
“Bihira yun for a guy. Kunwari may eksena ‘tapos di siya masya, hindi siya titigil hangga’t di niya nabibigay yung tamang emotion.
“Before, akala ko parang chill lang. Ngayon iba. Yun ang nakita kong change.”
Inspirasyon naman ni Daniel si Kathryn mula umpisa ng kanilang love team.
“Si Kathryn, ever since, professional. Simula nung nagkasama kami sa unang show, which is Growing Up.
“Dun ako natuto sa kanya, yung work ethic niya, laging on time, prepared sa lahat ng kailangan gawin, unlike me before,” napapangiti ulit na pag-amin ni Daniel.
“Pero I think yun ang maganda sa aming dalawa. Iba yung timpla namin. I think nagku-complement.
“Mas nabigyan niya ako ng insprasyon dahil nakikita ko sa kanya yung work ethic na yun.”
Aminado si Daniel na marami talaga silang pinagdaanan ni Kathryn bilang reel-and-real-life sweethearts.
“Eleven years is not a joke. Doing the same movies, all the romances, di madali yung trabaho.
“That’s why lubos ang pasasalamat namin sa fans. Kasi may tendency na manawa ka di ba? But still andito tayo ngayon. Nag-interview tayo. Nagbabatian tayo ng happy anniversary ng 11 years.
“Sa parte namin ni Kathryn, hindi madali para sa amin. Hindi lang kami magkasama sa trabaho, sa totoong buhay magkasama rin kami.
“Every day nagtatrabaho kami. Dun lalabas yung craft na ginagawa namin. Kasi yung mga pinapanood niyo makikita niyo, ako at si Kathryn. But still, we’re playing characters.
“So you know it’s not a joke kaya we’re very thankful na andito pa rin kami.”
Sabay biro ni Daniel, “Siguro dapat na kami bigyan ng Guinness Book of Record na love team award!”
TEAM REAL
Mayroong walong pelikula at anim na teleserye sa ABS-CBN sina Kathryn at Daniel.
At sa dami ng mga proyektong nagawa ay malaking hamong gawing patok, dekalidad, at bago sa manonood ang mga ito.
“Can you imagine? Ano pa yung di namin nagagawa? Sa 2 Good 2 Be True, may maturity yung characters din.
“Pero iba na yung timpla sa mga pakilig na ginagawa ng loveteams ngayon. Kahit kami pag binabasa yung script, ‘Hahawakan yung kamay…’ Oh my goodness! Cringe na rin kami, e.
“Iba na rin yung atake namin. Mas totoo na. Di na pinipilit magpa-cute, di na pinipilit magpakilig ng sobra.”