Close to reality na maituturing umano sa buhay nina Kathryn Bernardo, 22, at Daniel Padilla, 23, ang istorya ng bago nilang pelikulang The Hows of Us.
Sa press conference ng The Hows of Us noong Miyerkules, August 22, sinabi nina Kathryn at Daniel na maraming dramatic at confrontation scenes ang nangyari na rin sa kanila sa tunay na buhay.
“Nanggaling yun sa mga eksena sa buhay namin ni Kathryn,” sabi ni Daniel.
Katulad ng mga karakter na gagampanan nila, dumating na rin ba sina Kathryn at Daniel, o mas kilala ng fans bilang KathNiel, sa puntong kailangan nilang isalba ang kanilang relasyon?
“Yes, may nangyari talaga,” agad na sagot Kathryn.
Hindi nagbigay ng detalye si Kathryn kung kailan sa limang taong relasyon nila ni Daniel nangyari ito.
Gayunman, sabi niya, “Kasi, kahit saan namang relationship, hindi yan smooth palagi.
“Mayroon talagang mga taon o mga panahon na medyo ano…
“Pero how did we save it? Kasi, gusto namin.
“Kasi, choice niyo yun parating dalawa kung itutuloy pa ba o ilalaban pa ba.
“Yun, yun ang pinili namin. I think we made the right choice.”
Diin pa ni Kathryn, “For me naman kasi, sa isang relationship, kahit gaano natin kagusto na maging perfect, hindi siya mangyayari.
“Basta ang importante dito ay may natutunan ka, sabay kayo maggo-grow and move on—yun ang pinili namin ni DJ.”
Sa parte naman ni Daniel, maituturing na mutual decision nilang magkasintahan kung pananatilihin pa ang kanilang relasyon sa gitna ng mga problema.
Aniya, “Lagi naman siyang desisyon. Marami nang beses na titingnan mo kung gusto mo pa ba or kaya mo pa ba ‘to.
“Hindi naman ako love guru or something, pero personal, e.
“Ako, lagi akong bumabalik, ‘Bakit nga ba?’ Sa simula ng lahat ng ‘to, bakit ko nga ba minahal ang taong ito?
“Malamang nag-aaway kayo ngayon, pero kailangan tingnan mo yun ngayon sa problemang ito.
“Kasi, maaaring nagkakaproblema lang tayo ngayon, pero saan ba tayo nanggaling? Nasaan na ba tayo ngayon? Laging ganun.”
ROAD TO FOREVER
Sa isang bahagi ng press conference ng The Hows of Us, natanong sina Kathryn at Daniel kung nakikita nila ang isa’t isa na magkasama na panghabang-buhay.
“That’s the plan,” sagot agad ni Daniel.
“Babalik tayo sa growth. Si Kathryn kasi, totoo yung she makes me a better person talaga.
“Totoo yun, I think yun ang compliment.”
“Kaysa sa kilig o kung ano, yun [growth] ang kailangan mong hanapin.
“It doesn’t mean na kapag wala na yung kilig, hindi mo na mahal, di ba?
“Kailangan mo lang hanapin yung mas malalim na rason kung bakit mo mahal yung tao.
“It’s not about kilig.”
Para naman kay Kathryn, malayu-layo pa ang lalakbayin ng relasyon nila ni Daniel.