RUNNING joke ng mga tagasubaybay ng “FPJ’s Batang Quiapo” kung ang pakikipag-kissing scene raw ba ni Coco Martin kay Ivana Alawi ang sagot sa maiinit na halikan nina Julia Montes at Alden Richards?

Hanggang sa naging topic na rin ito nina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika sa radio program nilang “Cristy Ferminute” sa Radyo 5 92.3 TRUE FM kahapon.

Pero ipinagtanggol ito ng dalawang host na trabaho lang ang ginagawa nina Coco at Julia kaya’t naniniwala silang walang selosan tungkol dito.

Anyway, bukod sa napakagandang 5-minute trailer ng “Batang Quiapo” na ipinakita last week para sa mangyayari ngayong linggo ay umani ito ng mahigit sa 10 million views kaya naman nitong Lunes, Setyembre 11, ay nagtala ang programa ang pinakamataas na viewership sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.