Ruru Madrid at Coco Martin, nagkaharap sa isang event

Muling magkakatapat ang mga programa nina primetime action hero Ruru Madrid at Kapamilya actor na si Coco Martin.

Sa November 6 na magsisimula ang bagong full action series ni Ruru na Black Rider.

Pareho ito ng oras ng primetime series ni Coco na kasalukuyang ding umeere ngayon.

Nakahalubilo ni Ruru si Coco sa isang event at masaya siyang makilala ang isa sa mga aktor na lubos niyang hinahangaan.

“Nagkita po kami doon sa same event kung saan din kami nagkita ni Tatay Ipe (Philip Salvador), ni Senator Robin (Padilla). Sakto nandoon po si Sir Coco. Nilapitan ko po siya para po magpakilala ako dahil sobrang taas po ng respeto ko sa kanya. Sobrang taas po ng paghanga ko sa kanya. Hindi pa po ako nag-aartista, talagang nanonood na po ako ng mga teleseryeng ginagawa niya. That’s why I’m very happy na nakita ko po siya noong gabi na ‘yun,” kuwento ni Ruru sa ginanap na media conference para sa Black Rider.

 

 

Lalo pang natuwa si Ruru dahil nakatanggap pa siya ng ilang papuri mula kay Coco.

 

“Nagpakilala ako. Sabi ko, ‘Sir Coco, ako po si Ruru Madrid. Galing po ako sa GMA. Isang malaking karangalang makilala kita.’ And then ang sagot lang niya sa akin, ‘Ano ka ba? Ako nga dapat magsabi niyan. Malaking karangalan na makilala kita. Pinapanood kita sa GMA. Nakikita ko ‘yung mga ginagawa mo, ‘yung efforts mo,'” bahagi ni Ruru.

Hinikayat din siya ni Coco na ipagpatuloy ang magandang trabahong sinimulan niya.

“Sabi niya, ‘Ipagpatuloy mo lang ‘yan. Sa totoo nga niyan, naghahanda na kami.’ Gumanon siya tapos yumakap po siya nang mahigpit. Sinabi niya sa akin, ‘Ipagpatuloy mo lang ‘yan. Nakikita ko ‘yung pagiging makatao mo, ituloy mo lang ‘yan.’ Sobrang na-appreciate ko po ‘yun dahil isa po siya sa mga tinitingala ko pong mga artista sa industriya po natin,” lahad ni Ruru.

Sa Black Rider, gumaganap si Ruru bilang Elias Guerrero, isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.

Bukod kay Ruru, bahagi rin ng serye sina Matteo Guidicelli, Yassi Pressman, Katrina Halili, Jon Lucas, at marami pang iba.

Abangan ang world premiere ng full action series na Black Rider, November 6, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad. Mapapanood ang simulcast nito sa GMA, GTV at maging online sa Kapuso Stream.

Related Posts

Our Privacy policy

https://dailynewsaz.com - © 2025 News