Coco Martin reveals he noticed Jaclyn Jose’s sadness days before her passing
Hindi pa rin makapaniwala si Coco Martin sa biglaang pagpanaw ni Jaclyn Jose, na itinuring siyang parang anak.
Bandang 7 p.m. ng Martes, March 5, 2024, nang dumating si Coco sa Arlington Chapel sa Araneta Avenue, Quezon City, kunsaan isinasagawa ang lamay para sa namayapang respetadong aktres.
Mugto pa rin ang mata ni Coco nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ABS-CBN News, GMA News, at entertainment vlogger kagabi, March 5.
Huling nakasama ni Coco si Jaclyn noong nakaraang linggo, sa taping ng FPJ’s Batang Quiapo, ang ongoing prime-time series ng Kapamilya Channel.
Kaya lubos ang pagdadalamhati ni Coco at mga kasamahan sa trabaho na hindi na nilang muling masisilayan si Jaclyn.
Biglaang pumanaw si Jaclyn noong March 2, Sabado, dahil sa atake sa puso.
Saad ni Coco, “Actually, down kami talaga kahapon nung nagte-taping kami, ang lungkot, tahimik.
“Walang nag-uusap, hindi namin pinag-uusapan, pero bagsak yung team.
“Yung mga artista, yung production, tahimik, nagpapakiramdaman.
“Ang bigat sa aming lahat kasi unexpected.”
Naalala pa raw ni Coco ang huling pag-uusap nila ni Jaclyn tungkol sa tatakbuhing kuwento ng Batang Quiapo.
“Nung nagpaalam ako na lalaya na ako,” tukoy ni Coco sa karakter niyang si Tanggol, na nakakulong sa recent episodes.
“Saka yung memories na after that, nag-usap kami sa labas ng tent niya. Kinuwento ko yung tatakbuhin ng charater niya.
“And after that, nagpaalam na ako.
“Hindi ko makalimutan yung memories na nagpaaalam ako sa kanya, ‘Mommy Jane, babay, I love you!’
“Sabi niya, ‘Love you, Nak!'”
Ang tunay na pangalan ni Jaclyn ay Mary Jane Guck.
Ayon kay Coco, wala siyang napansing kakaiba sa kalusugan ng aktres, pero napansin niyang may dinadala itong lungkot.
“Wala, pero nakita ko sa kanya yung lungkot.
“Kahit pag nagpi-preview, tinitingnan ko ang mga eksena niya, iba yung bigay niya, may sadness, e.
“Hindi ko alam kung alam niya na. Hindi ko maintindihan.
“Nararamdaman ko sa kanya yung lungkot, lalo na yung eksena nila ni Ivana na nalulungkot siya kasi yung mga characters umaalis na dun sa kulungan.”
Ang tinukoy ni Coco na “Ivana” ay si Ivana Alawi naco-star nila sa Batang Quiapo.
COCO MARTIN ON JACLYN JOSE’S WORK ETHICS
Ipinaliwanag ni Coco na si Jaclyn ang tipo ng aktor na hindi naniniwala sa method acting, at mas gustong humugot sa totoong emosyon para raw mas natural ang labas sa kamera.
Naniniwala si Coco na hindi matatawaran ang ambag ni Jaclyn sa entertainment industry.
“Alam namin na napakalaki pa ng maiko-contribute niya sa industry, saka sobra kasing mahal na mahal ni Mommy Jane ang industriyang ito,” saad ni Coco patungkol kay Jaclyn.
Pagpapatuloy ng actor-director, “Kaming mga kabataang mga artista, talagang sobra niya kaming gina-guide sa tamang attitude, behavior, pagtingin dun sa trabaho, lalo na sa pagrerespeto sa mga senior actors.
“Lalo na siya, yung paggalang niya.
“Ako, sabi ko, bilang baguhang direktor na nagdidirek, grabe siya rumespeto.
“Kahit kaibigan ko na siya ha, yung respeto niya sa akin sobra-sobra.”
Ani Coco, saksi siya sa dedikasyon at pagmamahal ni Jaclyn sa trabaho at sa pamilya.
Malalim ang pinagsamahan nila, lalo pa’t makailang-beses silang nagkatrabaho mula noong nagsisimula pa lang si Coco sa indie scene.
Nagkasama sila sa indie films na Masahista (2005), Tirador (2007), Serbis (2008), at Apag (2023); at sa pinakaunang teleserye ni Coco sa ABS-CBN, ang Prinsesa Ng Banyera (2007-2008).
Pagpupugay pa ni Coco: “Yung passion, yung pagmamahal niya sa craft niya, yung pag-aalaga niya sa amin, sa production, sa batang artista, at sa pagmamahal niya sa pamilya niya.
“Sobrang mahal na mahal niya ang pamilya niya.
“Oo, alam ko lahat yun, yung hirap, yung sakripisyo dahil sa pagmamahal niya sa pamilya niya, sa mga anak niya at siyempre sa industriya.
“Iba kasi. Hindi ito basta trabaho lang. Puso at kaluluwa ang binibigay niya sa trabahong ginagawa niya.”
WHAT WILL HAPPEN TO JACLYN JOSE’S ROLE IN BATANG QUIAPO
Tinanong si Coco, na siya ring tumatayong direktor ng Batang Quiapo, kung paano magpapaalam ang karakter ni Jackyn sa istorya ng teleserye.
Sagot ni Coco: “Hindi ko pa alam, di ko pa alam kung ano ang gagawin namin.
“Ayaw na muna naming isipin kasi pinoproseso pa namin. Pero alam namin na magagawan namin ng paraan.”
Idiniin niyang lubos ang respeto niya kay Jaclyn.
Lahat-lahat kami, yung pagmamahal namin sa kanya sa show. Mula sa ABS-CBN.”
PASSING OF OTHER INDUSTRY STAKEHOLDERS
Halos sunod-sunod ang pumanaw na film and TV stakeholders sa entertainment industry.
Noon lamang February 3 ay pumanaw si Deo Endrinal, ABS-CBN executive at big boss ng Dreamscape, na content provider ng Kapamilya Channel.
Noong February 19, naiulat ang pagpanaw ng beteranong direktor sa pelikula na si Tikoy Aguiluz.
Noong June 2019 pumanaw ang legendary actor na si Eddie Garcia, na hanggang ngayon ay ramdam ang pagkawala sa industriya.
Sabi ni Coco, “Ako nga, sabi ko nga, yung pagkawala ni Sir Deo, si Tito Eddie, si Direk Tikoy, nag-usap-usap nga kami, baka kailangan mag-mass tayo kasi nawawala yung mga poste natin, yung mga haligi natin.
“Ang hirap, e.”