Trending sa Twitter ngayong February 21, Biyernes, ang mga pangalan ng mga taong sangkot sa tinaguriang “secret wedding of the year.”

Ito ay sina Sarah Geronimo, Matteo Guidicelli, at ang ina ng singer-actress na si Divine Geronimo, o mas kilala sa showbiz circles bilang Mommy Divine.

Mommy Divine allegedly 'nag-inarte' in Sarah-Matteo wedding preparations

Ilan sa mga naging trending topics sa Twitter ay ang mga sumusunod: “Mommy Divine,” “Sarah,” “Divine Intervention,” #AshMatt,” Mrs. Guidicelli,” at “Matteo.”

Dahil kasal na siya kay Matteo, kikilanin na rin ngayon si Sarah bilang Mrs. Guidicelli.

Naganap ang civil wedding nina Sarah, 31, at Matteo, 29, sa Shangri-La at The Fort, Bonifacio Global City, Taguig, nitong Huwebes ng gabi, February 20.

Pero nabahiran ng kontrobersiya ang dapat sana’y masayang okasyon dahil sa nangyaring komosyon.

Ito ay nagsimula nang bigla umanong dumating sa venue si Mommy Divine, na hindi imbitado at tila walang alam sa naganap na kasal nina Sarah at Matteo.

Ayon pa sa police blotter, pinagbintangan umano ni Matteo ang close-in security ni Sarah na si Jerry Tamara na siyang nagsabi kay Mommy Divine tungkol sa sikretong kasalan.

Nauwi raw ang kumprontasyon sa panununtok ni Matteo sa may bandang lalamunan ng security personnel.

Hindi naghain ng pormal na reklamo si Tamara laban sa aktor.

Divine intervention' in Sarah, Matteo wedding narrated in police report |  Philstar.com

MOMMY DIVINE, SARAH, MATTEO TREND ON TWITTER

Dahil sa lihim na kasal ng celebrity couple at nangyaring komosyon, mabilis na nag-trend sa Twitter sina Sarah, Matteo, at Mommy Divine.

Buhay na buhay ang netizens sa pagkokomento tungkol dito.

May mga kumampi kay Mommy Divine, at mayroon ding kumastigo sa paghihigpit daw nito sa anak.

Mayroon ding bumatikos kay Matteo dahil sa pamimisikal umano niya sa bodyguard, pero meron ding nakisimpatiya sa aktor.

Ang iba namang netizens, nakiusap na huwag husgahan ang sinumang sangkot dahil wala naman sila sa pinangyarihan ng insidente.

Isa sa mga nag-comment tungkol sa isyu ay ang ABS-CBN host na si Bianca Gonzalez.

Sa kanyang unang tweet, sinabi ni Bianca na tagahanga siya nina Sarah at Matteo.

Sa kanyang pangalawang tweet, nagbigay ng opinyon ang TV host tungkol sa nangyari.

Mensahe ni Bianca: “Wala akong karapatan i-judge si Mommy Divine, lalo’t isa din akong ina at walang ibang gusto ang isang ina kundi ang ikabubuti at ang kasiyahan ng anak.

“Pero wish ko lang malaman ang nasa puso ni Mommy bakit ayaw niyang ikasal si Sarah kay Matteo.”

NETIZENS’ MIXED REACTIONS

Kanya-kanya rin ng pagpapahayag ng opinyon ang netizens hinggil sa mga kaganapan sa kasal nina Sarah at Matteo.

Para sa mga kampi kay Mommy Divine, nauunawaan daw nila ang pinanggagalingan nito.

Nais lang daw ng isang ina kung ano ang makakabuti para sa kanyang anak.

Binatikos din nila ang inasal ni Matteo, lalo pa’t hindi raw ito ang unang beses na nasangkot sa gulo ang aktor.

Binalikan ng netizens ang nangyari noong September 3, 2011, kung saan nagsuntukan sina Matteo at Coco Martin sa after-party ng 5th Star Magic Ball na ginanap sa The Manila Peninsula sa Makati City.

Ang dahilan ng kanilang pag-aaway ay si Maja Salvador, na noon ay girlfriend ni Matteo.

Leading lady naman ni Coco si Maja sa teleseryeng Minsan Lang Kita Iibigin, na umere mula March 2011 hanggang September 2011.

Kalaunan ay humingi ng paumanhin si Matteo at inaming nagselos siya matapos mabalitaang ilang beses hinalikan ni Coco si Maja sa isang mall show para i-promote ang kanilang teleserye.

Narito ang ilang tweets ng mga kontra sa ginawa ni Matteo at panig kay Mommy Divine:

Marami ring netizens ang pumanig kay Matteo at pinuna ang ina ni Sarah.

Anila, nasa edad na raw si Sarah na magdesisyon para sa sarili pero ayaw itong bigyan ng kalayaan ni Mommy Divine.

Sabi pa ng ilan, makahulugang hindi inimbita si Mommy Divine sa kasal mismo ng kanyang anak.

Narito ang ilang tweets na kampi kay Matteo:

May ilan ding netizens na walang pinanigan, bagkus nanawagan silang huwag husgahan ang sinuman sa mga sangkot dahil hindi naman daw nila alam kung ano ang totoong nangyari.

Dalangin daw nilang maayos ang hindi pagkakaunawaan ng mga sangkot sa isyu, lalo na si Sarah na hinahangad nilang maging masaya.