Paul Salas and Andrea Brillantes

Natatawa lang si Paul Salas, 25, nang tanungin kung alam niya na siya ang “first ever crush” ni Andrea Brillantes, 20.

Four years old si Andrea nang magka-crush siya kay Paul, ayon mismo kay Andrea sa YouTube vlog ni Ivana Alawi.

“Nakarating na ‘yon sa akin,” natawang sabi ni Paul sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Zoom noong September 27, 2023.

Matagal na raw kakilala ni Paul si Andrea, na kilala rin sa palayaw na Blythe.

Lahad ni Paul: “At saka alam ko, before naman, nakakasama ko si Blythe, e, sa mga raket.

Andrea Brillantes buking crush si Paul Salas

“Tapos, nagkaroon din kami ng isang movie shoot, Every day I Love You, yung kila Enrique Gil at Liza Soberano, nagkasama kami ro’n.”

Noon pa lang ay alam daw ni Paul na childhood crush siya ni Andrea.

“And open naman talaga siya about it. And si Mommy at saka yung mom niya, actually, magkakilala.

“So, parang matagal ko na rin alam na may gano’ng saying na noong bata siya [crush niya ako],” dagdag ni Paul.

WHEN did PAUL FIRST MET ANDREA?

Nagkatrabaho na rin sina Paul at Andrea noong mga bata pa sila.

Kuwento ni Paul, ang tito-ninong niya na si Dingdong Dantes ang nag-cast sa pinagsamahan nilang proyekto.

“Kasi, kay Tito Dong ‘yon, parang mini-film yata ni Tito Dong ‘yon, do’n kami unang nagkasama.

“Siyempre, si Tito Dong, parang halos siya rin ang isa sa naka-discover kay Blythe. Kung hindi ako nagkakamali, ha?

“Parang siya rin ang isa sa unang nakakita kay Blythe na, ‘Puwedeng mag-artista ‘to.’ So, triny niya sa parang ginagawa niyang mini-film. Parang own project niya ‘yon.”

Isinama rin daw ni Dingdong si Paul sa proyekto.

“And siyempre, as a pamangkin, ako na ang kinuha niya. Parang sa wedding yata ‘yon. So, do’n kami nagkakilala.

“Yun siguro ang unang pagkakataon na nakita niya ko kaya sabi niya ‘pogi ako.'” balik-tanaw ni Paul.

Sabay natatawa na nahihiyang bawi niya, “Joke lang.”

Nasa pito o walong taong gulang daw siguro ang edad ni Paul noon, habang apat na taong gulang naman si Andrea.

Sabi pa ni Paul, “Noong dating nagkakasama kami, alam ko nasasabi niya na, ‘Dati nga Kuya Paul…’

“May mga gano’n kaming biruan before, pero, hindi ko na lang maalala. Ang last na pagsasama namin noon, parang 16 or 17 ako.

“Matagal na ‘yon, siguro, nabalik lang ngayon kasi, natanong siya.”

Natatawa rin na sabi na ni Paul, “Tapos, sabi niya, ‘Wag na ‘kong umasa ngayon dahil hindi na raw [niya ako crush].'”

Tinanong namin si Paul kung ano ang reaksyon niya na noong bata lang siya nagustuhan ni Andrea, pero ngayon, hindi na.

“Okay lang ‘yon,” natatawang sagot pa rin niya.

“Actually, biruan lang ‘yon. Kung single ako, baka puwedeng humirit-hirit ako, pero hindi. May inaalagaan din akong relationship.”

Paul Salas on jealousy in relationship with Mikee Quintos | PEP.ph

REACTION OF PAUL SALAS’S GIRLFRIEND MIKEE QUINTOS

Girlfriend ni Paul ang kapwa Kapuso star na si Mikee Quintos.

Ano ang reaksiyon ni Mikee sa rebelasyon ni Andrea sa vlog nito?

“Actually, alam niya ‘yon. Kasi, parang may lumabas na rin na article dati.

“At saka, parang sa mga interview ni Blythe, nasasabi niya ‘yon. Gano’n ka-open yung bata.

“Open din siya sa past life niya. Sa mga nangyayari sa buhay niya. Gano’n siya, e, kaya maraming nag-a-idol sa kanya.

“So, may idea rin si Mikee ro’n, so parang wala lang. Parang natatawa-tawa lang din siya. Wala naman siyang reaction or anything.”