Kasama ni Julie Anne San Jose si Jessica Villarubin na nagtanghal sa Heavenly Harmony Concert na idinaos sa mismong harap ng altar ng Nuestra Señora Del Pilar Shrine sa Mamburao, Occidental Mindoro, noong Oktubre 6, 2024.

Naging kontrobersiyal ang palabas at binatikos nang husto si Julie Anne dahil sa pagtatanghal nito sa harap ng altar, sa kanyang sexy outfit, at sa mga kantang inawit niya tulad ng “Dancing Queen” at “Edge of Glory.”

julie anne san jose dancing queen
Humingi ng paumanhin si Julie Anne, pati ang Sparkle GMA Artist Center na namamahala sa kanyang showbiz career.

Naglabas ng opisyal na pahayag ang talent management arm ng GMA Network, na inamin ang mga pagkukulang sa pinag-usapan at pinagpistahang insidente.

JESSICA VILLARUBIN ON CONTROVERSY

Si Jessica ang kasama ni Julie Anne sa Heavenly Harmony Concert, pero ang mang-aawit na binansagang Asia’s Limitless Star at hindi ang The Clash Season 3 grand champion ang napuruhan nang husto ng mga batikos at paghuhusga.

Kabilang ang “This Girl is on Fire” at “Maybe This Time” sa mga inawit ni Jessica sa concert na ginanap sa harap ng altar ng simbahan.

Red gown naman ang kanyang suot sa concert.

jessica villarubin heavenly harmony
Pero pakiramdam ni Jessica ay naitsapuwera siya dahil si Julie Anne lamang ang naging biktima ng matitinding batikos.

Sa pagbisita ni Jessica sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Miyerkules ng hapon, Oktubre 16, kinaaliwan ang kanyang nagtatakang reaksiyon sa isyu.

“Hala, ba’t wala ako? Kasi kaming dalawa po ang nandoon.

“Na-late po nang pumutok yung sa akin, e. Na-late, na-late yung sa akin, si Ate [Julie Anne] ang nauna. Kasama po ako doon,” sabi ng singer.

Nang itanong ni Boy ang panig niya tungkol sa nangyaring kontrobersya, ito ang sagot ni Jessica: “Actually, both sides naman po, naglabas na ng story at nagkapatawaran na po ang lahat and maraming natuto po sa nangyari.

“We really apologized po sa nangyari. Sana po, pray for healing for everyone po.

“Kasi ako rin po, sa totoo, nagse-serve ako sa church for fifteen years. I was a psalmist in a choir. I am choir member for sixteen years.”

Ano ang mahalagang leksiyon na natutunan niya mula sa karanasan nila ni Julie Anne?

Tugon niya, “Siguro po next time, mas dapat namin malaman po kung ano talaga ang gagawin.”