Usap-usapan ngayon sa social media ang Kapamilya stars na sina Kathryn Bernardo at Jericho Rosales matapos silang maispatang magkasama habang nagdya-jogging sa Marikina Sports Complex.

Kathry Bernardo, Jericho Rosales spotted together on a night jog

Sa kuhang larawan ng isang netizen sa Facebook noong January 29, 2024, makikita sina Kathryn at Jericho na nakipag-selfie sa kanya at nakasabay pa niya sa pagdya-jogging.

May isang video pa sa TikTok na makikita naman ang pagtakbo ng dalawa habang kasama nila ang aktor ding si John Manalo, pamangkin ni Jericho.

Mababasang caption sa post (published as is), “Post ko na din sa wall ko para may remembrance.

“Kasabay lang namin mag jogging sila Kathryn Bernardo and Jericho Rosales.

“Wag nang mag showbiz question kasi di ko din alam ang sagot [laughing in tears emojis].

“EDIT: May iba silang kasama. Si John Manalo pala!! Sorry na.”

Kuwento ng uploader ng photos and video na si Joanne Canja sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kasama niya noong araw na iyon ang kanyang ina at nakababatang kapatid na nagdya-jogging nang matiyempuhan nila sina Kathryn, Jericho, at John.

Aniya, bilang fan nina Kathryn at Jericho, hinintay talaga nilang matapos ang mga ito bago mag-request ng selfie dahil ayaw nilang makaistorbo sa pag-eehersisyo ng dalawa.

Kuwento ni Joanne via Facebook messenger, “Ayaw namin silang istorbohin sa pag jog since personal time yon. Hahaha!

“Nakakagulat kasi once in a bluemoon sya. Pero napakabait. Nag hi ako kay Jericho nag hi back sya and nakangiti.

“Ayun nung pauwi na sila, nag ask kami if pwedeng magpapicture pero hesitant kami kasi nahihiya kami. Tapos ayun sila na din nag offer magpicture.”

Hindi alam kung kailan eksakto kuha ang larawan at video dahil ayaw itong ipaalam ni Joanne, para na rin daw sa personal space at privacy ng dalawa niyang iniidolo.

Samantala, mabilis na nag-viral sa social media ang pagkakakita kina Kathryn at Jericho.

Marami sa kanilang fans ang natuwang makitang nag-e-enjoy ang dalawa sa kabila ng kanilang mga pinagdaanan.

Sina Kathryn at Jericho ay parehong single ngayon matapos nilang mahiwalay sa kani-kanilang partner.

Noong November 30, 2023, inanunsiyo ni Kathryn sa publiko na nagwakas na ang labing-isang taon nilang relasyon ni Daniel Padilla.

Nito namang January 29, 2024, kinumpirma ng isang malapit na kaibigan ni Jericho at ng asawa nitong si Kim Jones na hiwalay na ang dalawa noon pang 2019.