Hindi nag-alinlangan si Kris Aquino sa pag-amin kung ano ang dahilan ng kanyang makeover at blooming appearance sa media launch ng kanyang comeback movie sa Star Cinema, ang I Love You, Hater, na pinagbibidahan din nina Joshua Garcia at Julia Barretto.

Kahit balot na balot siya sa kanyang black blazer and black sequined slacks, hindi naman maitatago ang magandang hubog ng kanyang katawan.

Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Kris sa pressscon proper kung saan nanggagaling ang kanyang kagandahan.

Binanggit nito ang isa niyang endorsement.

Patuloy ni Kris, “But honestly, Kuya Rey, kilala mo ako, may pinapatunayan ako.

“Meron akong gustong makanood nito at magsisi!” sabay tawa nang malakas.

Dugtong pa niya, “I’m sorry, lahat who work for KCAP [Kris Cojuangco Aquino Production] know this na hindi ako kumakain.

“Minsan tinitiis [ko] talaga dahil ang greatest motivation ng kahit sinong babae, and Julia [Barretto] knows this, is to make those who made you feel that you are not good enough regret their mistake.”

Kinorek naman ni Kris ang nagkomentong “Revenge Body” raw ito.

Sabi niya, “No. ‘Beauty na hindi na sa iyo,’” mariin niyang sambit, na ang tinutukoy ay ang taong nagparamdam umano sa kanyang hindi siya “good enough.”

Ginanap ang media launch ng I Love You, Hater kahapon, June 18, sa Dolphy Theater, ABS-CBN Compound, Quezon City.

Follow-up question ng PEP.ph, ibig sabihin ba nito ay mas magandang wala siyang love life ngayon para mag-focus siya sa sarili, makita ang kanyang self-worth sa kabila ng sakit, at ngayon ay i-enhance pa ang kanyang beauty?

Sagot niya agad, “Hindi. Kinailangan ko lang na maramdaman niya, at kailangan ko lang na marinig niya na sinasabi mo iyan ngayon, at kinailangan ko na kapag napanood sa big screen…

“Dahil alam ko naman kung ilan ang billboards na itataas, para every time na madaan sa billboard, masasamid.”