Idinaan ni Kris Aquino sa music video at mahabang mensahe ang reaksiyon niya sa birthday message ng ex-husband na si James Yap para sa kanilang anak na si Bimby Aquino Yap.

Kris Aquino wishes James Yap 'peace, lasting happiness'

Kahapon, April 19, ipinagdiwang ni Bimby ang kanyang 11th birthday.

Sa pamamagitan ng Instagram, binati ni James ang anak na matagal na raw niyang hindi nakikita. Pero araw-araw naman daw niya itong naiisip.

Ngayong araw, April 20, nag-post naman si Kris sa kanyang Instagram account ng isang video na naglalaman ng quotes na patama kay James, at mga larawan niya kasama ang mga anak na sina Bimby at Josh.

Ang ginamit na background music ng 47-year-old TV host-actress ay “Look What You Made Me Do” ni Taylor Swift.

Sa caption ng kanyang Instagram post, isang mahabang mensahe ang ipinarating ni Kris kay James.

Dito ay binalikan ni Kris ang mga naging panayam ni James tungkol sa pagkakait diumano sa kanya ng dating asawa upang makapiling ang kanilang anak.

Panimula niya, “Ngayon patas na tayo, hindi na ko pwedeng ma-accuse ng power tripping.

“NANAHIMIK ako for so LONG- even when you crossed the line when promoting that bar you are part owner of- nagsalita ka & nasa PEP yung video na napanuod ni Bimb mismo ‘nakakawalang ganang mag effort na magpaka tatay kay Bimb kasi hindi naman appreciated.'”

Ang tinutukoy na video ni Kris ay ang exclusive interview ng PEP.ph senior writer na si Arniel Serato kay James noong August 17, 2017 at nailathala nang sumunod na araw, August 18.

Pagpapatuloy ni Kris, “UTANG NA LOOB… flashback 2013- trying hard kang umiyak (i say trying hard kasi walang luha, puro uhog lang) sa interview mo sa TV Patrol dahil ‘pinagkakait’ ko si Bimb sa yo…

“Ay oo nga pala, of course pinagaksayahan mo sya ng panahon 5 years ago- kasi nasa Malacañang pa ang Tito nya..”

Si Kris ay kapatid ni dating Pangulong Noynoy Aquino, na nasa puwesto mula 2010 hanggang 2016.