Sa kanuna-unahang pagkakataon, nagkuwento si Kris Aquino kung bakit ayaw na ng anak niyang si Bimby Aquino-Yap na makipag-ugnayan sa amang si James Yap.

May mga bagong pahayag si Kris Aquino laban sa ex-husband na si James Yap. Dito ay ibinulgar niyang hinusgahan daw ni James na magiging bakla ang anak nilang si Bimby Aquino-Yap dahil marami raw baklang nakapaligid kay Kris. 

Sa exclusive at live interview ni Kris kay Cristy Fermin sa programang Cristy Ferminute ng Radyo Singko 92.3 News FM ngayong hapon, June 7, ikinuwento lahat ni Kris ang mga bagay na nagbigay-daan kung bakit nais na nilang tuluyang tuldukan ang ugnayan nila ni James.


Ang pagkikitang ito nina Kris at Cristy ay nagsilbi ring reunion para sa kanila, dahil ilang taon din silang nagkasama sa programang The Buzz ng ABS-CBN noon.


Sa panayam, binigyang-linaw ni Kris ang ilang mga katanungan kung bakit muling nagkalamat ang relasyon nila ni James matapos na magkasundo sa custody kay Bimby, at kung bakit tuluyan nang ayaw makipag-ugnayan ng kanyang bunso sa ama nito.

Matatandaang ikinagalit nang husto ni Kris ang panayam kay James noong August 2017, kung saan sinabi nitong nangulila ito sa anak na si Bimby dahil ramdam daw nitong mahirap isiksik ang sarili sa anak.

Ikinagalit din daw ni Kris ang ginawang pagbati ni James sa anak na idinaan sa social media noong nakaraang birthday nito.

Ang term pa nga na ginamit ni Kris dito ay “nagwala siya” noong nabasa niya ang interview at ang post ni James.

Pahayag ng 47-year-old TV host/actress/celebrity influencer, “When you make zero effort to personally have a relationship with your child, you have no right to post about that child.

“And zero naman talaga, e. Hindi ko pinagkait, e. And alam mo, ayoko nang pahabain dahil… no, actually gusto ko.”

“SINIGAW-SIGAWAN.” Kasunod nito, naging sobrang seryoso si Kris sa pagbahagi ng kuwento kung saan sinigawan daw ni James ang anak nilang si Bimby.

Nangyari raw ito noong pagkapanalo ni Bimby bilang Most Popular Child Performer sa 46th Guillermo Mendoza Box-Office noong June 2015 para sa pelikulang Praybeyt Benjamin, na pinagbibidahan ni Vice Ganda.