Mariing itinanggi ng It’s Showtime co-host na si Jackie Gonzaga ang haka-hakang nagdadalantao siya, at ang ama umano ng kanyang dinadala ay ang kasamahan din niya sa programa na si Ion Perez.

Ion Perez and Jackie Gonzaga | Magandang Buhay - YouTube

Sa TikTok live ni Jackie nitong October 6, 2024, nakarating kay Jackie ang kumakalat na tsismis sa kanya.

Makikita sa TikTok live na kumakain si Jackie kasama ang kanyang team nang may magkomentong netizen tungkol sa nabasa raw niya online na may lihim na relasyon ang dancer-host sa asawa ni Vice Ganda na si Ion.

“What’s the truth about you and Ion Perez?” tanong ng netizen.

Labis itong ikinagulat ni Jackie.

Aniya, “Hala, anong issue?”

Nang malaman niya ang konteksto ng isyu, na buntis daw siya at si Ion ang ama ng kanyang dinadala, natawa na lang si Jackie sabay pagbabahagi nito sa kanyang mga kasama.

Sabi niya, “Kuya Mel [Jackie’s road manager], sabi ng mga tao buntis daw ako. Dyowa ko raw si Kuya [Ion].”

Kasunod nito ay kinastigo ni Jackie ang mga nang-iintriga sa kanila ni Ion.

“Kung anu-anong pinag-iisyu niyo, kami raw ni Ion.

“Adik ba kayo? Tigilan niyo bisyo niyo, ah!” sabi niya.

JACKIE GONZAGA SLAMS TROLLS
Hinala ni Jackie, ang balitang buntis siya ay gawa-gawa ng trolls na pinagkakakitaan ang paggawa ng mga balitang hindi naman totoo.

Himutok niya: “Yung mga trolls din naman, anu-ano pinag… hindi, siguro for the views kasi.

“Siguro kumikita sila doon. So wala, e, kung doon sila kikita. Ganoon talaga, grind nila iyon. Issue nila iyon. Bahala sila doon.

“Kadiri mga issue niyo. Kadiri yung mga taong naniniwala sa fake news!”

Sa kabila nito, mayroong fans na nagsabing hindi sila naniniwala sa isyu dahil single daw ngayon si Jackie matapos nitong mahiwalay sa dating Hashtags member na si Tom Doromal.

Jackie Gonzaga with ex-boyfriend Tom Doromal

Jackie Gonzaga (left) and Tom Doromal (right) Photo/s: @jackiegirlg Instagram

Bagay na labis namang ikinatuwa ng It’s Showtime host.

Pahayag ni Jackie, “Congrats sa mga hindi naniniwala, nakakapag-isip kayo nang maayos.”

JACKIE-TOM DOROMAL breakup
Noong June 2024 nang mapabalita ang hiwalayan ni Jackie sa longtime boyfriend niyang si Tom.

Nagsimulang umugong ang isyung hiwalay na sina Jackie at Tom dahil sa isang episode ng “EXpecially for You” ng It’s Showtime, biglang naging emosyunal si Jackie nang sinabi ni Vice na “walang closure.”

Ayon pa kay Vice, na tumatayo ring manager ni Jackie, “Sabihin mo lang sa akin, anak, kung ready ka na. Sabi ko naman sa yo, di ba, ‘I will give you time.’”

Sabi naman ni Kim Chiu, “Mukhang naiiyak si Jackie, Ma.”

Biro ni Vice, “E, kasi nga, wala ring closure, charot.”

July 9, muling nausisa ni Vice si Jackie tungkol sa love life.

Tanong ni Vice, “Paano mo nalamang in love siya sa yo?”

Sagot ni Jackie, “Nung pinakitaan ka na ng effort.”

Sundot ni Vice, “So, doon mo namalayang mahal ka? Paano mo nalamang hindi ka na niya mahal?”

Sabi ni Jackie, “Yung nanghihingi ka na ng attention. Kasi nung una, hindi mo naman hinihingi, kusa niyang binibigay.

“Pero nung dumating sa punto na hinihingi mo na, tinatanong mo na, ‘Bat hindi mo na ito ginagawa? Ba’t ayaw mo nang gawin?’

“Doon ko nari-realize na, ‘Ay, nung una binigay nang kusa, tapos ngayon hinihingi ko na, hindi pa binibigay.”

Tanong ni Vice, “Paano mo nasabing, ‘Ay, tapos na to?'”

Ayon kay Jackie, “Kasi, ang dami mo nang nabigay na pagkakataon, pero dumating pa rin sa punto na may ginawa pa rin siya para masaktan ka.

“Kahit tinanggap mo na yung mga dating pagkakamali, tapos inulit pa rin yung bagay na makakasakit sa yo, parang, ‘Sinasadya na ba to? O hindi mo lang talaga ako mahal?'”

Sundot muli ni Vice, “Kailan mo nasabing, ‘Ay, kaya ko nang lumaya at magpalaya?’ Kasi minsan, di ba, alam mong tapos na pero ayaw mong maging malaya, di ba?

“Alam mo yun sa sarili mo kung ano yung dapat mong ginawa, yung tama. Pero minsan yung tama, ayaw mo, e, kasi hindi yun ang masarap sa pakiramdam.

“Pero kailan mo nasabing, ‘Ay, palalayain ko na yung sarili ko at palalayain ko na rin siya?'”

Seryosong sagot ni Jackie, “Hindi ko masabi yung makakalaya, pero dumating ako dun sa puntong bibitaw ako, kasi hindi ko deserve na paulit-ulit kang sasaktan. Yun.

“Tinanggap mo na nga lahat ng pagkakamali. Alam niyang masasaktan ka dun, pero ba’t inulit gawin sa iyo?”

Dagdag na tanong ni Vice, “Kailan mo nasabing kaya mo na ulit?”

Ayon kay Jackie, “Every day, tina-try ko sabihin. Going there. Baby steps.”

Saad ni Vice, “I’m proud of you.”

Sa ngayon ay inili-link naman si Jackie sa co-star niya sa Good Will ng Net25 na si David Chua.

David Chua, Jackie Gonzaga party

Jackie Gonzaga (right) and David Chua (left) Photo/s: Courtesy: Instagram