Hindi naiwasan ni Sugar Mercado ang pangungulit ng ilang miyembro ng entertainment press tungkol sa matagal na niyang pagkaka-link kay Willie Revillame.

Matagal na silang natsismis ng TV host, pero madalas ay hindi sinasagot ni Sugar kapag natatanong siya tungkol sa isyu nila ni Willie.

Pero sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Sugar noong 2020 ay tahasan niyang itinanggi ito.

Bahagi ng pahayag niya, “Hindi ko ma-imagine na natsitsismis sa kanya. Para ko nang tatay iyon. Para siyang tatay sa lahat, kuya siya ng lahat.”

Inilunsad ang dating SexBomb dancer na si Sugar bilang bagong brand ambassador ng Melona Beauty Slurpee under BeautieFactory, na pag-aari ng mag-partner na sina Dr. RJ Evangelista at Mr. Charles Arriza ng Horizons Health and Beauty Products Corporation.

Nakilala namin sina Doc RJ at Charles dahil nagkaroon sila ng isyu noon kay Ivana Alawi na umabot pa sa demandahan. Ayaw na lang nilang pahabain pa ang isyu nila kay Ivana dahil naayos daw yun at okay na sila.

FROM IVANA TO SUGAR

Kaya parang hindi makapaniwala si Sugar na siya ang kinuhang endorser ng bagong produktong ito.

“Si Lord na talaga, ‘Day! Ivana, tapos Sugar, ang layo, di ba?” bulalas ni Sugar nang nakatsikahan ng PEP Troika sa launching ng bago niyang endorsement na ginanap sa Dusit Thani Manila noong Biyernes, October 11, 2024.

Kasama niyang inilunsad bilang brand ambassador ang bagong Viva artist na si Kyle Villanueva.

sugar mercado endorsement

Sugar Mercado (second from right) with fellow endorser Kylie Villanueva (second from left) and Horizons Health and Beauty Products Corporation owners Dr. RJ Evangelista (leftmost) and Mr. Charles Arriza (rightmost). 
Photo/s: Gorgy Rula

“Thankful ako kay Lord siyempre, kasi alam niyo na, may two kids. Blessing talaga, fabulous talaga!” dagdag ni Sugar.

Pero nang tinanong siya tungkol kay Willie Revillame, maingat na siyang sumagot.

Susuportahan ba niya ang kandidatura ni Kuya Willie na nag-file ng Certificate of Candidacy (CoC) bilang senador?

Sagot ni Sugar, “Oo, si Dr. Willie Ong! Kasi, di ba? May sakit siya, pero talagang tatakbo siya. Tuloy ang laban!”

Obvious na iniiwasan talaga niyang pag-usapan ang TV host.

“Uy, si Kuya Wil [Revillame]! Siyempre, nag-work ako dun kay Kuya Wil,” bawi nito.

Sabi pa ni Sugar, “Kay Kuya Wil, good luck. Na-shock ako na tatakbo siya.

“Ang wish ko lang kay Kuya Wil, talagang nasaksihan naman natin lahat. Hindi lang ako ang natulungan niya, guys. Maraming mahihirap. At saksing buhay po ako sa natulungan niya.

“Hindi lang po ako, uulitin ko, saksing buhay tayong lahat na tumutulong talaga siya sa mahihirap. Kung ako ang tatanungin, iboboto ko siya.”

JERRY OLEA

Ikakampanya ba ni Sugar Mercado si Willie Revillame sakaling magpatulong ito sa kanya?

Napaisip muna si Sugar saka sumagot, “Siyempre, dun po ako sa kikita po ako. Kasi, single mom po ako. Two years na po akong single.”

Ibig sabihin, two years na silang hiwalay ni Willie?

Napangiti na lang si Sugar, at hindi na siya sumagot.

Nakiusap siyang huwag na raw palakihin ang ganung intriga sa kanila ni Willie.

“Hindi ko nga alam kung saan nanggaling yun, e. Saka basta okay kami, huwag nang palakihin. Okay kami ni Kuya Wil,” pakli niya.

Pero minsan ba ay minahal din niya si Willie?

“Mahal siya ng mga taong mahihirap katulad ko, pure yung love na binibigay namin sa kanya lahat.

“Kay Donita [Nose], kay Hipon [Herlene Budol], lahat kami, natulungan niya. Walang Hipon kung hindi siya natulungan ni Kuya Wil.

“Ako, nagsimula ako sa Eat Bulaga!, pero nung panahong nag-struggle ako sa buhay, siya rin yung unang tumulong sa akin at hindi ko yun makakalimutan.

“Tingin ko naman, gusto lang niyang tutulungan lahat na tao sa paligid niya,” seryosong pahayag ni Sugar.

NOEL FERRER

sugar mercado endorsement

Kung magsimula nang mangampanya si Willie Revillame at hindi na ito puwedeng lumabas sa Wil to Win, willing kaya si Sugar Mercado na bumalik para mag-host sa programa?

“Hindi,” mabilis na sagot ni Sugar.

Ipinaliwanag niya kung bakit siya tatanggi sakaling alukin siya.

“Sandali… hindi, e. Hindi sa hindi, ha? Because, hindi ko na magagampanan yung…

“Kasi si Kuya Wil, napaka-perfectionist niya sa trabaho. Saludo ako sa kanya dun.

“Lahat ng isyu sa kanya, about that. Kaya alam ng mga nakatrabaho niya na kaya siya yumaman nang ganun, because ganun siya magtrabaho.

“Wala sa kanya yung kahit kamag-anak ka pa niya o anak ka niya, gusto niya, pulido yung trabaho, at hindi ko na kayang ibigay yun.

“Kasi may anak na ako, kailangan ko na talaga mag-focus sa business ko, kasi iyon na yung kailangan ng mga anak ko.

“Basta ako, kung ano yung makakabuti sa mga anak ko, dun ako. Hindi na ako yung magpasikat ba ako o alam niyo, hindi na po ako dun,” saad ni Sugar.