Andi grateful to ABS-CBN and Batang Quiapo team doing a tribute for Jaclyn.
Andi Eigenmann to mom Jaclyn Jose’s close colleagues: “She dedicated her life to me and my brother. She also dedicated her whole life to her craft. She’s been so passionate about it. Alam ko na sobrang saya niya na malaman na lahat kayong mahal niya, minamahal din siya.”
Seen on the inset are Andi and Coco’s brief chat after the eulogy. Main photo of Andi was also taken after the hour-long tribute organized by ABS-CBN and Batang Quiapo Team.
Hindi napigilan ni Andi Eigenmann na mapaluha matapos ang madamdaming pagpupugay ni Coco Martin sa yumaong ina ni Andi na si Jaclyn Jose, na malaki raw ang puso para sa pamilya at mga katrabaho.
Bahagi ito ng special tribute ng ABS-CBN, partikular na ang grupong bumubuo ng FPJ’s Batang Quiapo, para sa namayapang beteranang aktres.
Lubos ang pasasalamat ni Andi matapos ang higit-kumulang isang oras na programa, kunsaan kabilang sa mga nag-alay ng madamdaming pagkanta sina Zsa Zsa Padilla, Jona, at Jed Madela.
ANDI THANKS JACLYN’S CLOSE COLLEAGUES
Pagkatapos ay humarap si Andi para magpaabot ng maiksing mensahe.
Sinabi ni Andi na naantig ang damdadamin at lubos ang pasasalamat niya sa mga nagmamahal sa inang si Jaclyn.
Humihikbing pahayag niya, “Maraming salamat sa pagdalaw ninyong lahat para makiramay sa pagkawala ng aking nanay.
“Di ko po ma-explain kung paano yung simple na…
“Alam ko rin, lahat ng mga tao dito sinasabi kung gaano kami ng kapatid ko na si Gwen, kung gaano kami kamahal ni Nanay.”
Pagtukoy niya sa pagtratong kapamilya ni Jaclyn sa mga katrabaho nito, “Mayroon din siya para sa inyo.”
Dagdag niya, “Ganoon kalaki yung puso niya na sobra, sobra, sobra…”
Ramdam sa garalgal na boses ni Andi at paputul-putol niyang salita na puno siya ng halu-halong emosyon sa biglaang pagpanaw ng ina.
Naluluha pa ring patuloy niya: “She dedicated her life to me and my brother.
“She also dedicated her whole life to her craft. She’s been so passionate about it.
“Alam ko na sobrang saya niya na malaman na lahat kayong mahal niya, minamahal din siya.
“Maraming salamat po.”
Ang special tribute ng ABS-CBN para kay Jaclyn ay dinaluhan ng ilang entertainment editors at reporters, kabilang ang PEP.ph (Philippine entertainment Portal).
Si Coco, director at lead star ng Batang Quiapo, ang tumayong representative ng Kapamilya Channel para magbigay ng eulogy para kay Jaclyn.
Madamdamin ang paglalarawan ni Coco, mula sa hindi matatawarang kontribusyon ni Jaclyn sa pelikula at telebisyon, hanggang sa pagmamahal ng aktres para sa mga katrabahong naging malapit na kaibigan na rin nito.
Ayon kay Coco, anak na ang turing sa kanya ni Jaclyn at nagsilbi rin daw siyang confidante ng aktres sa mga saloobin nito sa trabaho at pamilya.
Ang Batang Quiapo ang kinabibilangang programa ni Jaclyn.
Noong lamang February 28 ay nakapag-taping pa si Jaclyn, at doon sila huling beses nagkita at nagkausap ni Coco.
MORE STARS AT JACLYN JOSE’S WAKE
Pagkatapos ng special tribute, marami sa mga bisitang artista ang yumakap kay Andi at nagpaabot ng pakikidalamhati sa kanya.
Ang ibang Kapamilya stars na sina Vice Ganda, Janine Gutierrez, at Jake Ejercito, pati na rin si ABS-CBN chief operating officer Cory Vidanes ay dumalo roon.
Nasa lamay rin sina Cherry Pie Picache, Christoper de Leon, John Estrada, Pen Medina, Julio Diaz, at direktor na si Malu Sevilla.
Kasama rin sina Soliman Cruz, Vandolph, Mark Lapid, Nonie Buencamino, Irma Adlawan, Ronnie Lazaro, at Jojit Lorenzo.
Ilan pa sa mga artistang namataan sa ikalawang gabi ng lamay para kay Jaclyn ay sina Gladys Reyes, Dimples Romana, at Claudine Barreto.