Nagbigay ng pahiwatig ang TV host na si Willie Revillame na tila may mga anak na ang magkasintahang sina Coco Martin at Julia Montes.
Noong Hulyo 14, nagdaos si Willie ng welcome party bilang paghahanda sa debut ng kanyang bagong palabas na “Wil to Win” sa TV5, kung saan maraming celebrities ang nagpadala ng mensahe ng pagbati.
Kabilang sa mga nagpadala ng mensahe sina Coco Martin, Richard Gomez, John Estrada, at Aga Muhlach.
Pagkatapos ng mensahe ni Coco, nagbiro si Willie tungkol sa bangs ni Coco at inihambing pa ito sa karakter ni Coco sa “Batang Quiapo” bago siya nagpasalamat.
“Coco, salamat ha… sobrang bait. To Coco, Julia, at ‘yung mga anak niyo, pamilya mo, salamat Coco at noong Holy Week na magkasama tayo,” aniya. “Sana dumating ang time na maging guest mo ko sa ‘Batang Quiapo,’ bibigyan na lang kita ng jacket.”
Wala pang pahayag ang magkasintahan tungkol sa sinasabing rebelasyon ni Willie, bagamat matagal nang may mga balitang sila ay mayroon nang anak.
Kinumpirma nina Coco at Julia noong nakaraang taon na sila ay nagde-date, ngunit inamin din na matagal na silang nasa relasyon mula nang magtambal sa palabas na “Walang Hanggan” noong 2012.
Sa panahong iyon, 30 taong gulang si Coco, samantalang 17 taong gulang naman si Julia.