Manny Pacquiao

UPANG masigurong suntukan lamang ang kalalabasan ng exhibition bout sa pagitan ng nag-iisang eight-division world champion na si Manny “Pacman” Pacquiao at dating K-1 super-lightweight titlist Rukiya Anpo, naglatag ng $5 million na multa ang RIZIN Promotions upang masigurong masusunod ang alituntunin sa darating na sagupaan sa Super Saitama Atena sa Saitama, Japan ngayong Linggo.

Iniiwasan ng RIZIN Promotions na bumitaw ng anumang leg kick ang Japanese fighter sa three rounds, three-minute boxing match para sa 68-kilogram exhibition.

Orihinal makakatapat ni Pacman sa bakbakan si kickboxing at mixed martial arts RIZIN featherweight champion Chihiro Suzuki, subalit kinailangang umatras nito dahil umano sa hand injury na natamo sa exhibition boxing match kay PRIDE FC Legend Takanori Gomi.

 

“Each violation will be punished with a fine of $5 million. At the time of Tenshin vs. Mayweather in 2018, it was around 500 million yen. But due to the weak yen, it is now around 750 million yen,” pahayag ni RIZIN President Nobuyuki Sakakibara. “If Anpo is unable to pay that much money. He will have no choice but to pay with his body.”

Bukod sa bakbakang Pacman at Anpo, parte rin ng Super Rizin 3 ng bare-knuckle at mixed martial arts na mga laban, kabilang ang ilang special event na bouts. Ilalatag rin sa naturang laban ang Tokyo Street fighting legend na si Mikuru Asakura kontra sa sikat na si Ren Hiramoto.

Ihaharap kay Pacman ang tinaguriang “The Demolition Man” na may kickboxing rekord na 27 wins, walong pagkatalo at isang tabla, habang nakakuha ito ng 14 na panalo mula sa knockouts. Minsan rin nitong nakatapat si K-1 MAX champion Buakaw Banchamek, na nakalinya ring makalaban ni Pacquiao sa isang boxing exhibition, subalit nanatiling nakabinbin ito, na walang naging anunsiyo sa kadahilaanan ng hindi pagkakatuloy ng kanilang sagupaan na binansagang “The Match of Legends.”

 

Huling sumabak sa exhibition match si Pacquiao noong Disyembre 11, 2022 kontra kay South Korean fighter DK Yoo sa Korea International Exhibition Center na nagtapos sa unanimous decision sa kanilang six-round bout, na sinundan naman ng pagpirma ng kasunduan sa kilalang Japanese Promotions na RIZIN MMA para lumaban rin sa isang exhibition match.

Lumalaki naman ang posibilidad na muling makakabalik sa laban sa Estados Unidos si Pacquiao matapos lumabo ang isinampang kaso ng Paradigm Sports Management sa naturang bansa at mas luminaw naman ang comeback fight nito kontra kay World Boxing Council (WBC) welterweight titlist Mario “El Azteca” Barrios ngayong taon.

 

Niluluto na ang pagbabalik pro-fight ni Pacman ngayong taon para sa laban kay Barrios sa 147-pound title, habang inanunsiyo rin nito ang pagbabalik sa politika sa pagtakbo muli sa Senado.

 

Huling beses sumabak sa isang professional bout ang tubong Kibawe, Bukidnon at ipinagmamalaki ng General Santos City laban kay Yordenis “54 Milagros” Ugas ng Cuba noong Agosto 21, 2021 na nagresulta sa 12-round unanimous decision pabor sa 2008 Beijing Olympics bronze medalist para sa WBA (Super) 147-pound belt. (Gerard Arce)