JC de Vera na-offend sa ginawa ni Alex Gonzaga: Nagulat talaga ‘ko!
DIRETSAHANG pinangalanan ni JC de Vera si Alex Gonzaga bilang isa sa mga artistang hinding-hindi niya makakalimutan kapag “attitude” na ang pinag-uusapan.
Natanong kasi ang aktor kung may na-experience na siya sa dalawang dekada niya sa showbiz na mga nakatrabaho niya na nag-attitude.
Sa panayam kay JC ng comedian-TV host na si Stanley Chi sa One News PH ay natanong nga kung meron na ba siyang naging co-star na may “attitude.”
Sagot ng aktor, “Mayroon, pero ito naman, nakakatawang pag-a-attitude yon.”
“Yung bagong lipat ako dito (sa TV5), may ginagawa kami nu’n, yung Lokomoko, yung gag show, tapos…sige, pangalanan ko na.
“First time kong makilala si Alex Gonzaga. Hindi ko siya kilala personally, pero since makakasama ko siya sa isang show, nakilala ko na siya,” rebelasyon ni JC.
Nagulat daw talaga siya nang biglang magtanong sa kanya ni Alex ang tungkol sa suot niyang shades sa unang araw ng kanilang pagkikita sa set.
“Yung first few taping days namin du’n, e, nag-out-of-town shoot kami. So, naka-shades ako na pula, Oakley, naaalala ko pa, hindi ko talaga makalimutan.
“Tapos tinanong niya ako, ‘JC, original ba yang shades mo?’
“Natawa ako kasi hindi ko alam kung maiinis ba ako o maaasar ako sa kanya. Pero definitely, na-offend ako.
“Pero alam ko namang hindi niya mini-mean kasi, yun nga, hindi naman kami talaga magkakilala pa o close.
“Hindi ko rin alam kung intentionally ba niyang gustong punahin kung totoo ba yung shades ko o fake.
“Sumagot lang ako na, ‘Orig to!’ Pero alam mo yung awkward moment na parang, ‘Anong isasagot ko sa yo? Bago lang ako dito tapos tatanungin mo ako nag ganyan. Parang, mukha ba akong nagsusuot ng fake?’” pag-amin pa ni JC.
Totoong na-offend daw siya sa tanong ni Alex, “Parang siguro, mga 10 to 15 minutes, parang na-hurt ako, e, na tinanong niya ako nang ganu’n…nagulat ako, e.
“Pero inisip ko na lang na baka ayon yung way niya for being friendly,” sabi pa ni JC.
Pero sa kabila nito, hindi naman siya nagtanim ng galit kay Alex, “After naman nu’n, gumawa pa kami ng project together ni Alex, yung comedy din, so okay kami.”
Ang tinutukoy ni JC ay ang comedy film nilang “The Entitled” na ipinalabas noong 2022.