It’s Showtime host Vice Ganda proudly shares on Instagram his pictures with boyfriend Ion Perez on Instagram for their third anniversary today, October 25.
PHOTO/S: Courtesy: @praybeytbenjamin on Instagram
Ipinagdiriwang nina Vice Ganda at Ion Perez ang kanilang ikatlong anibersaryo bilang magkarelasyon ngayong Lunes, October 25.
Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Vice ang tatlong larawan niya kasama si Ion.
Sa caption, sinabi ng gay comedian-TV host na sa loob ng tatlong taon ay hindi sila bumitiw kahit pinuputakti sila ng panghuhusga at batikos dahil sa kanilang relasyon.
Masaya lamang daw sila sa kanilang pagmamahalan na pinagtibay ng panahon.
Mensahe ng It’s Showtime host para sa boyfriend: “3 years of not giving a f*ck about other people’s thoughts and judgements.
“3 years of just being unapologetically in love and happy. I love you Noy!
“And I love winning in life with you! @pereziion27 #ThreeYears #ViceIon”
THE RELATIONSHIP
Taong 2018 unang na-link sina Vice at Ion.
Bandang Marso ng nasabing taon, mas lalong uminit ang usap-usapan tungkol sa dalawa.
Noong panahon na yun, kapapasok pa lamang ni Ion sa It’s Showtime bilang Kuya Escort sa segment na “Miss Q&A.”
Umamin si Vice sa relasyon nila ni Ion noong October 26, 2019, kasabay ng selebrasyon ng ika-sampung anibersaryo ng It’s Showtime.
Ginawa ni Vice ang kanyang pag-amin pagkatapos ng performance niya sa “Magpasikat” segment ng noontime show.
Nagkuwento ang TV host-comedian tungkol sa pagiging mag-isa, dahil wala siyang kasamang host para sa kanyang “Magpasikat” performance.
Read more about
Vice Ganda
Ion Perez
Ayon kay Vice, lagi niyang sinasabi sa mga meeting nila na kaya niyang mag-isa, pero ang totoo ay hindi niya ito kaya nang siya lang.
Sabi niya, “Mahirap sa buhay na maramdaman mong mag-isa ka at pinipilit mong kumbinsihin yung sarili mo na kaya mo mag-isa.
“In reality, sa totoong buhay, hindi po natin kayang mag-isa. Kailangan natin ng katulong.
“Maaaring pamilya o ang Panginoon, pero kailangan natin ng tulong. Hindi tayo puwedeng mag-isa.”
Pagkatapos nito ay sinabi ni Vice na hindi siya nag-iisa, makalipas ang maraming taong naramdaman niyang siya ay mag-isa.
Pagpapatuloy ni Vice, “At itong puntong ito, ang sarap-sarap sa pakiramdam na naramdaman kong hindi ako nag-iisa.
“Kasi, for so many years, for so many times in the past, I felt I was all alone.
“At itong pangsampung taon ng Showtime, ang suwerte ko kasi hindi na ako nag-iisa.
“Meron na akong katuwang sa buhay.”
Doon na niya inilahad ang tunay na estado ng relasyon nila ni Ion.
“MAMAHALIN KITA NANG SOBRA.”
Sa kanilang ikalawang anibersaryo noong nakaraang taon, nangako si Ion sa karelasyon na mamahalin niya ito hanggang sa dulo.
Sabi ni Ion kay Vice, “Sobrang… nagulat ako, a. Akala ko iba yung show, e, ikaw pala.
“Wala na rin akong masabi kundi paulit-ulit kong sasabihin. Hangga’t kaya kong iparamdam, mahal kita, ipaparamdam ko sa ’yo.
“Siguro, isinilang ako sa mundo para mahalin ka. Mamahalin kita nang sobra.”