Andrea Brillantes và trợ lý Ryza và Sabel

Dalawang assistants ang pinaligaya ni Andrea Brillantes matapos niyang regaluhan ang mga ito ng motorksilo na nagkakahalaga ng higit PHP100,000 bawat isa.

Dream come true naman ito para sa dalawang assistants na sina Ryza at Sabel, na nag-iipon talaga para sa pambili ng motor.

Si Ryza ay anak ng yaya ni Andrea na si Erna.

Ginawang content ito ni Andrea para sa YouTube vlog niya na -upload nitong February 25, 2024.

Paglilinaw ng Kapamilya actress, mula sa sarili niyang bulsa ang ipinambili at hindi sponsored ang mga motor.

“I’m not really doing this for content lang. Naisip ko lang na i-film ko na lang din siya kasi memories din to for me, and Ate Sabel, and Ryza,” sabi ni Andrea.

ANDREA’S ASSISTANTS

Nagbahagi ng background ang aktres tungkol sa kanyang dalawang assistants.

“Si Ryza, siya yung daughter ni Ate Erna. Si Ate Erna naging yaya ko na since ano ako four years old,” paliwanag ni Andrea.

Gaya ng kanyang ina, namasukan na rin si Ryza bilang kasambahay kina Andrea para makapag-ipon.

Paliwanag ni Andrea, “Si Ate Erna talaga yung naghe-help dito sa house, pero yung daughter niya na si Ryza decided to help her here sa house.”

Si Sabel ang isa pang assistant ni Andrea.

“…naging yaya ko siya na bagets din ako, siguro six o five [years old].

“Si Ate Sabel naman a couple of weeks ago, lumapit sa akin sa mga papeles kasi may inaasikaso siyang loan para sa motor niya.”

Banggit ni Andrea, “Close talaga ako sa mga PAs [personal assistants] ko at saka sa mga helpers ko, e. I really love them.”

PRANKING THE ASSISTANTS

Ginawang mas makulay ni Andrea ang pagbibigay ng regalo kina Ryza at Sabel nang idaan niya ito sa prank.

Sa kaso ni Ryza, nagpanggap si Andrea na paalis na siya para sa isang appointment.

Sasakay siya sa kanyang kotse na naka-park sa harap ng kanilang bahay, subalit may nakaharang na motorsiko.

Tinawag niya si Ryza at inutusang magtanung-tanong sa mga kapitbahay kung kanino ang motor na nakaharang.

Makalipas ang ilang saglit, sinorpresa ni Andrea si Ryza at sinabing sa kanya ang motor.

Naiyak si Ryza, gayundin ang ina niyang si Erna.

Sinabi ni Erna na PHP50,000 pa lang ang naiipon ng kanyang anak dahil ang motor na pinag-iipunan nito, tulad ng iniregalo ni Andrea, ay nasa PHP100,000 ang presyo.

Sinabi ni Andrea na itago na lamang ni Ryza ang naipon nito.

Sumundot si Erna at sinabing ilalaan ang naipon ng anak na si Ryza para sa tuition nito.

Andrea Brillantes assistants

Habang nangyayari ito, nakunan sa camera ang isa pang assistant ni Andrea na si Sabel at nagbiro na nainggit siya kay Ryza.

Wala siyang kamalay-malay na siya naman ang susunod na bibigyan ng motorsiklo.

Ang delay sa pagbibigay sa kanya ng motorsiklo ay bahagi pa rin ng prank ni Andrea.

Sa araw na iyon, kunwari ay pupunta si Andrea sa motorcycle store para kunin ang resibo ng motor ni Ryza. Isinama niya si Sabel.

Alam ni Andrea na masama ang loob ni Sabel dahil hindi siya binigyan ng motor. Nag-message ang huli sa ate ng aktres.

Tahimik bumiyahe ag dalawa papuntang shop.

Pagdating nila, kunwari ay ipi-fill out ni Andrea ang form para sa nakuhang motorsiklo ni Ryza.

Iniabot ng aktres ang form kay Sabel. Dito niya sinabi kay Sabel na bibigyan din siya ng motor.

Naiyak si Sabel.

Tulad ng kay Ryza, ang modelo ng motorsiklong ibinigay kay Sabel ay nagkakahalaga rin ng higit PHP100,000.

Andrea Brillantes and assistant Sabel