Christian biktima ng pang-aabuso; Julia lalaban para sa mga binubugbog
UMAASA ang mga bida sa latest family drama ng ABS-CBN na “Saving Grace” na sana’y makatulong sila sa lahat ng may pinagdaraanan at malalim na hugot sa buhay.
Napanood namin ang pilot episode ng “Saving Grace” na pinagbibidahan nina Sharon Cuneta, Julia Montes, Sam Milby, Jennica Garcia, Christian Bables, Janice de Belen at ang baguhang child star na si Xia Grace.
Mula sa mga naghatid ng hit Prime Video drama na “Linlang,” handog nga ng Dreamscape Entertainment ang “Saving Grace” na iikot sa tema ng pagmamahal ng isang ina habang isinasalamin din ang realidad sa likod ng mga pang-aabuso sa kabataan at kababaihan.
Dito masasaksihan si Julia bilang Anna, isang guro na hahamakin ang lahat mabigyan lang ng pangangalaga at pagmamahal ang isang bata na inaabuso ng sarili niyang ina.
Desperado na mabigyan siya ng tamang pag-aaruga, si Anna mismo ang dadakip sa kanyang estudyante na si Grace, na gagampanan ni Zia na napakagaling nang umarte kahit baguhan pa lamang.
“It is close to home. I am praying this will help children, battered wives, physically or emotionally through whoever, sana may mag-speak up and magkaroon ng strength lalo na kung nabubugbog ka ng salita o pisikal.
“Hindi mo na alam minsan kung tama pa ba lumaban nang tama,” ang pahayag ni Julia sa grand mediacon ng serye last Friday.
Dagdag pa niya, “Sana po mas marami ma-resolve sa bawat isa. I am not saying sa abused lang ito, sana may ma-heal para din sila din maging healing ng ibang tao. Sana mas marami ma-inspire. Sana may ma-save kayo and nag-save sa inyo.”
Relate much naman si Christian sa kuwento ng “Saving Grace” dahil naranasan din niya sa totoong buhay ang nangyari kay Grace. Gumaganap siya rito bilang abusive partner ni Jennica as Sarah.
“Napagdaanan ko kasi dati yung pinagdaanan ni Grace. Ako rin ay nakaranas ng physical abuse. Emotional and verbal.
“Noong na-offer sa akin project, isa lang sinabi ko sarili ko it is about time to heal through Grace. Ipapanalo ako ni Grace. Sana ‘yung mga bata katulad ko and Grace maipanalo ng serye na ito. At the end of the tunnel may liwanag,” pag-amin ni Christian.
Para naman kay Jennica, matinding challenge para sa kanya ang gumanap na isang battered partner at nanay ng inaabusong bata.
“It was mentally draining Ang hirap kapag lalagay mo sarili mo sa position na kailangan mo lalaki mabuhay. Parang tinrabaho mo hindi maging ganon.
“Tinrabaho mo yung lakas mo na kaya ko tumayo magisa. Tapos babalik mo character mo sa isang babae na di kaya tumayo sa sariling paa walang nobyo.
“Yung taon kong pinaghirapan, napagtagumpayan, dahil sa isang proyekto kakalimitan mo para magawa ng wasto,” sey pa ng aktres.
Ang “Saving Grace”, na mula sa direksyon ni FM Reyes, ay ang Philippine adaptation ng hit Japanese series na “Mother” na ginawan na rin ng version ng iba’t ibang bansa.
Nagsimula na itong ipalabas sa Prime Video.